Inilabas na nitong hatinggabi ng Biyernes, Dis. 10, ang labintatlong tracks na bubuo sa pinakabagong OPM collective ng award-winning Filipino-American producer na si Troy Laureta.
Kabilang sa inabangan ng fans ang tanging original track sa album, ang kantang “Someone To Love Me” na inawit ng Awit-winning at Star Music artist na si Jonalyn Viray o mas kilala bilang si Jona.
Pagpatak ng alas-dose nitong Biyernes ng hatinggabi, trending agad ang multiple topics na “TROYxJONA SomeoneToLove Me,” ‘SomeoneToLoveMeJONA OUT NOW,” at “STREAM SomeoneToLoveMeByJONA” sa social media site na Twitter.
Ganito na lang ang excitement ng fans ni Jona matapos ang halos walong buwang naging hiatus ng Kapamilya singer sa limelight.
Pinuri ng fans ang orihinal na areglo at komposisyon ni Troy sa kanta na sinabayan naman ng madamdamin at pangmalakasang interpretasyon ni Jona.
Samantala, tampok sa “Giliw: A Troy Laureta OPM Collective, Vol. 2” ang ilang classic original Pinoy music (OPM) kagaya ng “Kaibigan, “Magkasuyo Buong Gabi,” “Kaba," "Nandito Ako" bukod sa iba pa na binigyan ng bagong buhay ng Fil-Am producer sa mga boses ng ilang international artists kabilang na ni Ruben Studdard, Cheesa at Nicole Scherzinger.