Sa bagong uploaded video sa social media ni Bise Presidente Leni Robredo, inilatag niya ang kanyang mga plano para sa hanapbuhay ng mga Pilipino.
Aniya, napakahalaga ng trabaho sa lahat. Ito ay karapatan at hindi tsambahan.
Naniniwala si Robredo na kinakailangan maibalik ang tiwala sa gobyerno.
"Tama na ang palakasan at gobyernong walang isang salita. Gawin nating patas ang merkado. Kung may kumpiyansa sa pamumuno, papasok ang puhunan, lalago ang negosyo at dadami ang trabaho," ani Robredo.
Ikalawa sa plano ni Robredo ay gisingin ang natutulog na lakas ng industriyang Pilipino.
Aniya, lilinangin ang maritime industry sa bansa, kung saan ay isasaayos ang mga regulasyon, paparamihin at lilinagin pa ang mga Pilipino marino, at palalakasin ang ship building.
Pasok rin sa plano ni Robredo na gawing sentro ang Pilipinas ng climate industry sa pamamagitan ng pagtutok sa mas sustainable at modernong kaugalian at kasanayang pang-agrikultura.
Kasama rin sa mga ninanais ni Robredo ay palakasin ang tech industry sa bansa at pagbuhay sa manufacturing.
Ikatlo sa plano ng presidential aspirant ay wakasan ang diskriminasyon sa trabaho.
Pagbabahagi ni Robredo, isa siya sa mga nag-akda ng komprehensibong 'Anti-Discrimination Bill.'
Pagsuporta naman sa maliliit na negosyo ang ika-apat na plano ni Robredo.
Aniya, "Maliliit na negosyo ang lumilikha ng trabaho sa antas ng komunidad, kung saan nagsisimula ang pag-unlad."
Huling inilatag naman ni Robredo ay ang pagsalo sa mga nawalan ng trabaho.
Dagdag pa ni Robredo ang isang delikalidad na programang retraining at skills-matching upang makasabay sa mga makabagong kaalaman.
Kaugnay din dito ay ang paglikha ng Public Employment Program na kung saan ay gobyerno mismo ang magbibigay ng trabaho.
Sa mga nawalan ng trabaho nang hindi kasalanan, siguro naman ni Robredo na matutulungan sila ng Unemployment Insurance Program.
"Kaya ang gobyerno, dapat hindi hadlang kundi katuwang mo. Sa araw-araw mong pagkayod dapat kakampi mo ang gobyerno. Ako si Leni Robredo. Ipaglalaban ko ang hanapbuhay mo," pangako ni Robredo.