Nakatakdang rebyuhin ng Department of Education (DepEd) ang time allotment o ang oras na inilalaan para sa face-to-face classes ng mga estudyante ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.
Ito’y matapos na lumitaw sa evaluation report ng mga guro na masyadong maikli ang naturang oras para ma-maximize sa pagkatuto ng mga bata.
“Based on our feedback from the teachers and the schools — because we have a monitoring and evaluation tool in their reporting every week — one observation they have is that the time that we have allotted for the face-to-face classes is too just short to maximize,” ayon kay DepEd undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Malaluan na ayon sa mga guro, ang tatlong oras para sa kindergarten at apat at kalahating oras na time allotment para sa iba pang mga mag-aaral ay hindi sapat, lalo na para sa mga nasa malalayong lugar, kung saan pahirapan ang pagtungo sa paaralan.
“This is something that we will review, with respect to the time allotment, with our counterparts in the DOH (Department of Health). This will be one of [the items of] our agenda,” aniya pa.
Bukod naman sa time allotment, plano rin umanong tingnan ng DepEd ang sitwasyong kakaharapin ng mga guro sa face-to-face at distance learning.
Matatandaang noong Nobyembre 15, nasa 100 pampublikong paaralan sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang nagsimula ng pilot run ng limitadong face-to-face classes, habang Nobyembre 22 naman nang makilahok na rin ang mga estudyante sa may 18 pribadong paaralan.
Disyembre 6 naman nang sumali na rin sa pilot run ang libu-libong estudyante mula sa 177 public schools sa bansa, kabilang dito ang 28 paaralan mula sa Metro Manila.
Mary Ann Santiago