Agad na humingi ng paumanhin ang Kapamilya singer na si Elha Nympha sa mga nasaling ang damdamin, nadismaya, at hindi nagustuhan ang ginawa niyang panggagaya sa paraan ng pananalita ng mga Indian, sa isang live video kasama ang mga Kapamilya artists na sina Francine Diaz at Jayda Avanzado.

Agad na nakatanggap ng kritisismo ang 'The Voice Kids' season 2 grand winner at sinabihan siyang 'racist'.

Naging maagap naman sa paghingi ng dispensa si Elha na mapapanood sa kaniyang TikTok account. Aniya, wala naman siyang intensyong masama sa ginawa niya.

“I’m sincerely sorry po sa mga na-offend and sa mga naka-feel na it’s racist pero wala po talaga sa intensyon ko po na maging racist and also to mock ‘yung accent nila and kaya ko po nasabi ‘yun sa live video kasi po related po ‘yung sinabi ko about doon sa Indian na ginaya ko nga po and sana po mapatawad n’yo po ako lahat,” paliwanag ni Elha.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Screengrab mula sa TikTok/Elha Nympha

Isa kasing Indian national ang nagpakilala at nagkomento sa live video ng tatlo. Pabirong ginaya ni Elha ang paraan ng pananalita ng mga Indian sa wikang Ingles, bagay na hindi naman nagustuhan ng mga netizen.

“Let’s just move on and again I sincerely apologize po sa lahat ng Indians and Pakistanis na na-offend and naka-feel na I am racist po towards them and also doon sa video na ginawa ko na dinelete ko na po, kasi marami na nga pong nangyayari."

“Sorry everyone. Let this be a lesson po. Huwag na lang po sana tayong gumaya nang gumaya ng meme kasi baka makasama… Huwag na lang natin gayahin at wag na lang natin gawin. Peace out everyone and stay safe,” dagdag pa niya.

Bukod sa The Voice Kids, naging bahagi rin si Elha ng ilan pang Kapamilya shows gaya ng 'Your Face Sounds Familiar Kids' kung saan tumatak at naging viral ang panggagaya niya kay Megastar Sharon Cuneta, na isa sa mga hurado.

Lumahok din ito sa 'Little Big Shots' na TV program ng host na si Steve Harvey kung saan kinanta niya ang 'Chandelier' ng singer na si Sia.

Sa ngayon ay regular na napapanood si Elha sa musical noontime show na 'ASAP Natin 'To'.