Wala pa rin umanong Omicron COVID-19 variant na natukoy sa Pilipinas, batay sa pinakahuling whole genome sequencing na kanilang isinagawa nitong Miyerkules, Disyembre 8.

Sa ulat ng Department of Health (DOH), University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH) na inilabas nitong Huwebes, nabatid na nasa 48 samples ang isinailalim nila sa sequencing.

Sa naturang 48 samples, 38 o 79.17% ang Delta variant cases o B.1.617.2 habang ang iba pa ay non-VOC lineages o walang lineages na natukoy.

Ayon sa DOH, ang latest sequencing run ay binubuo ng 12 Returning Overseas Filipinos (ROFs) at 36 local cases mula sa mga lugar na may high-risk average daily attack rates (ADAR) at case clusters.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa karagdagan namang 38 Delta variant cases, 31 ang local cases at pito ang ROFs.

Dalawa umano sa ROFs ang may travel histories mula sa Turkey habang ang iba pang ROFs ay mula naman Jordan, Mexico, Netherlands, Panama, at Peru.

Sa 31 namang local cases, anim ang may address sa Cagayan Valley Region habang limang kaso ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), tig-tatlong kaso ang mula sa MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, SOCCSKSARGEN, at National Capital Region (NCR), tig-dalawa mula sa Central Luzon at CALABARZON, at isa mula sa Davao Region.

Base sa case line list, isang local case ang nananatiling aktibo, 27 local cases at lahat ng pitong ROF cases naman ay nakarekober na habang inaalam pa ang kinahinatnan ng tatlo pang local cases.

Ayon sa DOH, dahil sa naturang update, ang total Delta variant cases sa bansa ay nasa 7,886 na sa ngayon.

Mary Ann Santiago