Pinag-usapan ng mga netizen ang cryptic tweet ng evicted Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 celebrity housemate at radio DJ na si Karen Bordador, na espekulasyon ng mga netizen ay baka pasaring umano sa kapwa evicted housemate na si TJ Valderrama.
“Yung sinabi mo sa mundo na taken ka… tapos pag labas sa bahay ni kuya single ka na pala,” tweet ni Karen noong December 6.
Linggo, December 5 naman sila na sabay na umalis ng Bahay ni Kuya ni TJ dahil sa double eviction na naganap.
Hindi naman naiwasan ng mga 'Marites' na maiugnay ito kay TJ dahil tila may pahiwatig ang partner nitong si Cherry Malaya na mukhang may '2nd eviction' na magaganap, na nainterpret naman na baka hihiwalayan na ni Cherry si TJ dahil sa mga naging isyu rito habang nasa loob ng PBB House.
Ngunit ayon naman sa iba pang mas nakakikilala kay Karen, baka nagkataon lamang daw ito dahil baka para sa sarili niya ang tweet na ito. Bago umano pumasok sa Bahay ni Kuya si Karen ay may nakaka-date na siya.
May mga nagsabi naman sa dalaga na darating din ang 'tamang tao' para sa kaniya, at baka ang taong iyon ay nasa loob din ng PBB House. Matatandaang tinutukso-tukso siya sa kapwa celebrity housemate na si Jordan Andrews.
Kaya naman nitong Disyembre 8, nilinaw ni Karen na hindi si TJ ang pinatatamaan niya.
"To be clear everyone my tweet wasn't about TJ!!! That was for meeee!" aniya.
"Oh ayan… yes that was me. Pumasok na taken… lumabas single na walang kamalay-malay. Wahahahaha Tatawanan ko na lang ok."
"Again I'll NEVER tweet about others unless names are mentioned."
Going back to TJ, matatandaang lumakas ang panawagan ng mga netizen na patawan ng force eviction si TJ dahil sa pagiging masyadong malapit at touchy nito sa kapwa celebrity housemate na si Shanaia Gomez. Subalit nang tanungin naman si Shanaia kung pakiramdam ba niya ay nahaharass na siya, hindi naman daw. Sa katunayan, parang 'father figure' umano ang dating ni TJ sa kanila.
Kaya nang ma-nominate si TJ sa huling nominasyon, 'It's pay back time' raw sabi ng mga netizen. Kaya sa lumitaw na resulta ng pinagsanib na boto ng force to evict at force to save, tuluyan na ngang lumabas si TJ dahil halos force to evict ang natanggap niya at walang porsyento para sa force to save.
Sa latest tweet ni Cherry nitong Disyembre 8:
"Kung sa inyo ok lang yung ganun, sa akin hindi. I made the right decision for myself. Masaya ako na wala na siya. Wala na kong proproblemahin. Kayo na lang may problema sa akin. So ano, kelan kayo magmo-move on??"