Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi requirement ang paglalagay ng plastic barrier sa upuan ng mga estudyanteng lumalahok sa pilot implementation ng face-to-face classes.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi kasama ang paglalagay ng plastic barrier sa mga guidelines na inilatag ng DepEd at ng Department of Health (DOH) para sa pilot run ng limited face-to-face classes sa bansa.
“Ito pong tungkol sa plastic barriers, sa totoo ay wala po iyan sa ating joint guidelines,” aniya pa, sa panayam sa teleradyo.
Ipinaliwanag naman ni Malaluan na kasama sa framework nang pagdaraos ng face-to-face classes ang "shared responsibility" ng DepEd, local government unit at mga magulang.
Posible aniyang naimungkahi ng mga magulang ang plastic barrier sa mga pulong kaya’t isinagawa ito.
“Sa pagpupulong nila, minsan ay lumalampas [ang suggestion] sa ating protocols at nasama diyan itong paglalagay ng plastic barriers,” ayon pa sa education official.
Aniya pa, ipinatatanggal na rin ang plastic barriers dahil may obserbasyon na nakakasagabal ito sa airflow sa silid-aralan.
Binigyang-diin niya na ang mahalaga ay naipapatupad ang physical distancing sa mga estudyante.
Nauna nang sinabi ng DepEd na may mga estudyanteng nahihirapang makita at marinig ang itinuturo sa kanila ng guro dahil sa mga plastic barrier.
Samantala, tiniyak rin naman ni Malaluan na regular na nagsasagawa ng disinfection ang mga paaralan bago at matapos ang klase.
Sa katunayan aniya ay may disinfection sa pagitan ng mga klase sa umaga at hapon, bukod pa sa mas masusing disinfection tuwing weekend, upang matiyak na ligtas ang mga mag-aaral at mga guro laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago