Namahagi ng mahigit 1,000 laptops sa mga estudyante at guro ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) ang lokal na pamahalaan ng Pasig City nitong Martes, Disyembre 7, bilang pagpapatuloy sa pagtugon sa hamon ng blended learning dahil sa COVID-19 pandemic.

“Mula noong unang pinagbawalan ang face-to-face classes, ginawa natin ang lahat para hindi matigil ang kabataan sa kanilang pag-aaral," saad ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kaniyang Facebook post.

“Ang bawat pisong nakalaan para sa edukasyon ay investment natin sa kinabukasan ng ating bayan," dagdag pa niya.

Ipinagpapatuloy ng local government unit (LGU) ang pagsulong na mas mapabuti pa ang mga programang pang-edukasyon para sa kabataan, at patuloy na mabigyan ng assistance ang mga guro, lalo't naapektuhan din ng pandemya ang 'normal' na pagsasagawa ng pagtuturo at pagkatuto.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Nakatanggap ang mga mag-aaral at guro sa lungsod ng Pasig na nasa ilalim ng pamamahala ng Pasig Department of Education Schools Division Office (Pasig DepEd SDO) at LGU, K-12 at PLP.

Nitong Disyembre 6, kasamang lumahok ang Ugong National High School at Pasig Elementary School sa 28 paaralan sa Metro Manila na nakiisa sa pilot run ng limited face-to-face classes, dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng active COVID-19 cases sa bansa.

Noong Oktubre 26 naman, namahagi ang lokal na pamahalaan ng laptops na may kasamang hard drives sa 40 newly hired teachers.

Sa kaniyang Viber message na ipinadala sa Manila Bulletin, sinabi ni Sotto na halos 4,600 pampublikong paaralan sa lungsod ang nabigyan ng laptop mula sa kanilang LGU.

Dagdag pa ng alkalde, ang mga guro na may luma at hindi na gumaganang laptops ay maaaring makipag-ugnayan sa kanila upang mapalitan ito, basta'y may kasamang SDO.

Patrick Garcia