Daan-daang sasakyan ang natigil ng ilang oras nitong Miyerkules ng umaga, Dis. 8 sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dahil sa mabagal na paggalaw ng joint caravan nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara Duterte-Carpio.
Sa isang pahayag ng chief-of-staff at tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, humiling ito ng pang-unawa sa mga motorista, sa publiko at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naapektuhan ng isang oras na mabigat na trapiko na dulot ng “Unity Caravan."
Aniya, sa kabila ng maagang paghahanda, hindi nila inasahan na “dadagsain” ang caravan ng mga tagasuporta na sabik makita sina Marcos at Duterte.
Ang caravan ay umani ng libu-libong tagasuporta na humarang sa mga lansangan upang salubungin ang dalawang kandidato. Nagsimula bago mag-alas-8 ng umaga sa harap ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Ave, nagtapos ang caravan sa Welcome Rotonda sa Quezon Ave. pagsapit ng alas-1 ng hapon.
Dahil sa masikip na daloy ng trapiko, kinailangan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na payuhan ang mga motorista na maghanap ng malapit na u-turn slot at sa halip ay dumaan sa alternatibong ruta.
Ikinalungkot din ng lokal na pamahalaan ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan nila at ng mga organizers habang nagpapatuloy ang caravan, na iba sa napagkasunduan ng mga traffic officials at ng UniTeam organizers.
Joseph Pedrajas