Pinuri ng kandidato sa pagkapangulo at alkalde ng Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lokal na pamahalaan ng Naga City sa pagsisikap nitong lumikha ng green spaces sa lungsod.
Nagsagawa si Domagoso ng pakikipag-usap kasama ang mga miyembro ng LGBTQ+ community, sektor ng kababaihan at barangay health workers sa Pasilong, Barangay East Poblacion sa Naga noong Linggo, Dis. 5.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Domagoso si Naga City Mayor Kristine Vanessa Chiong sa kanyang pagsisikap na gawing world-class park ang lugar.
“Alam ninyo, marami-rami na rin akong napuntahang munisipyo, syudad. Mapalad kayo dito sa Naga City sapagkat meron kayong alkalde na binabawi at ibinabahagi muli sa salinlahi, to the next generation, ang kasaysayan kung saan tayo nanggaling at ano tayo bilang mamamayan,” sabi ni Domagoso.
Ang “Pasilong sa Naga” ay isang P75.4 miluong halaga na parke na itinayo para tugunan ang pangangailangan para sa mas maraming open space sa lungsod.
Ang parke ay may magkakaugnay na bilog at nakaangat na mga daanan, mga fountain, mga bangko at mga lugar pahingahan.
“Mapalad kayo that your city mayor, your officials creating such open green spaces for you. Dadami ang tao, kakaunti ang espasyo, sisikip, di na magiging maaliwalas. Ngunit what the leadership of your local government did is para kayo ay may lugar na mapupuntahan. Lalo na ngayon lagi na lang nasa bahay diba, puro quarantine,” sabi ni Domagoso.
Ang pagkakaroon ng mga bukas na green space sa bawat komunidad ay maaaring maghikayat ng mga pisikal na ehersisyo, magbigay ng mga espasyo para sa pakikisalamuha at makabawas sa ingay at polusyon sa hangin, dagdag niya.
Naniniwala rin ang alkalde ng Maynila na makatutulong din ito sa psychological restoration ng mga tao.
“This is the type of place that creates certain environment, psychologically and emotionally affects favorably sa puso, isipan, at damdamin ng tao. Kaya palakpakan ninyo ang ating mayor nagulat ako talaga, promise,” sabi ng alkalde.
Pinangunahan kamakailan ni Domagoso ang groundbreaking ceremony para sa muling pagpapaunlad ng Arriceros Urban Forest Park.
“Kung mapapansin ninyo, kung maaalala ninyo about 10 days ago, nagstart na muli ‘yung redevelopment ng Arroceros Park, the last lung of the city para to make it available to the general public,” pagbabahagi niya.
Isa sa mga layunin ni Domagoso sa Lungsod ng Maynila ay ang mabawi ang mga nawalang bukas na green spaces na iligal na inookupahan ng mga vendor, palaboy, at mga illegal settler.
Nakasama ni Domagoso si Deputy Speaker and 3rd District Rep. Pablo John Garcia sa kaniyang paglilibot sa lungsod ng Naga.
Jaleen Ramos