Nahirapan umano ang pamahalaan na hanapin ang walong biyahero mula sa South Africa na nagtungo sa bansa noong nakaraang buwan, dahil na rin sa mali o kulang na impormasyon na ibinigay ng mga ito sa kanilang information sheets.
“Ang naging challenge natin dito, mali mali po 'yung detalye sa kanilang personal information sheet,” ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang panayam sa radyo.
Una nang sinabi ni Vergeire na ang naturang walong biyahero ay bahagi ng 253 travelers mula sa South Africa, na dumating sa Pilipinas mula Nobyembre 15 hanggang 29.
Ang mga ito ay tinutunton ng pamahalaan kasunod nang pagkakadiskubre ng Omicron variant ng COVID-19 sa lugar na kanilang pinanggalingan.
Sinabi naman ni Vergeire na may isyu sa numero ng telepono na ibinigay ng ilang tinutuntong biyahero habang ang iba naman ay hindi sumasagot sa kanilang telepono.
“Meron po sa kanila na instead of the personal number na inilagay nila sa kanilang dokumento, ang numero ng ahensya na hindi pa namin na contact,” paliwanag pa ng health official.
“Merong isa, kulang ng isang number sa numero na ibinigay, dalawa naman po tama ang numero, ngunit hindi ma contact, not answering,” dagdag pa niya.
Samantala, ang isa pa aniya sa mga biyahero ay hindi nagbigay ng kanyang kumpletong address.
Tiniyak naman ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na sila sa mga local government units (LGU) at Bureau of Quarantine (BOQ) upang mapabilis ang paghahanap sa mga ito.
Mary Ann Santiago