Sina TJ Valderrama at Karen Bordador ang dalawang housemates na lumabas na mula sa Bahay ni Kuya, sa ginanap na double eviction sa Sunday episode ng 'Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10', nitong Disyembre 5, 2021.
Sina TJ at Karen ang dalawang nominado na nakakuha ng pinagsamang save at evict votes. Ngunit sa kanilang dalawa, kapansin-pansin na ang boto kay TJ ay 'force to evict' na nakakuha ng negative 03.05%.
Samantala, sina Alexa Ilacad at Samantha Bernardo naman ang naligtas at mananatili pa sa PBB House, at may tsansa pang mapabilang sa Big Four.
Matatandaang naging kontrobersyal si TJ dahil sa alegasyon ng harassment na ipinupukol sa kaniya ng mga netizen laban kay housemate Shanaia Gomez. Maging ang grupong Gabriela ay naalarma na rin at tinawag na rin ang pansin ng PBB management. Maging ang partner ni TJ na si Cherry Malaya ay nagpakawala na rin ng kaniyang mga tweets na dismayado siya sa kaniyang boyfriend, gayundin sa naturang reality show.
Sa isang espesyal na episode, sinabi ng mga housemate na close lamang sila sa isa't isa, at hindi naman daw nakaramdam ng malisya si Shanaia sa mga ginagawa sa kaniyang pagyakap o paghawak ni TJ.
Sa paglabas ni TJ sa PBB House, makikitang isa sa mga yumakap sa kaniya si Shanaia.
Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang manager ni Karen Bordador.
"We have tried our best to save Karen by all means. We just want to inform everyone that we are already conceding," ANIYA.
"We love you @Karen_Bordador."
Mapapanood ang PBB araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC, na may kasamang 24/7 livestreaming via Kumu.