Handa ang mga pribadong ospital kung sakali na muling magkaroon ng coronavirus disease (COVID-19) surge dala ng Omicron variant.
Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) President Dr. Jose de Grano na mayroon pa ring mahigit 13,000 aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa habang patuloy na bumababa ang bilang ng mga arawang kaso.
“Meron tayong active cases na 13,800. Kalahati po noon, halos 7,000 naka-confine pa po sa mga ospital. Marami pa,” sabi ni De Grano.
“Yung mga healthcare workers natin na wala masyadong pasyenteng COVID doon muna sila sa non-COVID areas,” dagdag niya.
Gayunpaman, tiniyak niya na handa ang mga pribadong ospital sakaling muling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Sa ngayon po konti ang ating COVID patients, bumababa po talaga. Kami naman naghahanda po talaga kung sakali mang dumami ulit gawa ng bagong variant na Omicron,” sabi ni de Grano.
Nitong Linggo, Dis. 5 sinabi ni Philippine General Hospital (PGH) Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na handa ang PGH, ang pinakamalaking COVID-19 referral hospital sa bansa, para sa posibilidad ng pagdami ng mga impeksyon sa gitna ng banta ng Omicron variant.
Gabriela Baron