Sinimulan na rin ng pamahalaang lungsod ng Paranaque ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa dalawang elementary schools nitong Lunes, Dis. 6.
Bumisita si Mayor Edwin Olivarez sa La Huerta Elementary School at sa Don Galo Elementary School kung saan ginanap ang pilot testing ng face-to-face classes.
Ininspeksyon din ni Olivarez ang magkabilang paaralan upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagsasagawa ng face-to-face classes para sa kindergarten hanggang Grade 3 students kabilang ang mga nasa Senior High School.
Nakita ng alkalde ang kahandaan ng dalawang paaralan sa pagtiyak na masusunod ang basic protocols ng mga mag-aaral kabilang ang mga guro at ibang tauhan ng paaralan.
Bago ang pagbubukas ng pilot face-to-face classes, sinabi ni Olivarez na humingi ng pahintulot ang paaralan sa mga magulang ng mga bata at tiniyak sa kanila na ang lahat ng mga guro at tauhan ng paaralan ay ganap na bakunado.
Aniya, nakikita na rin ng pamahalaang lungsod ang “new normal” para sa mga mag-aaral sa lungsod kahit limitado ang oras ng pagsasagawa ng mga paaralan.
Dagdag pa ni Olivarez, kapag naging matagumpay ang piot testing para sa face-to-face classes, umaasa siyang mabubuksan na sa mga mag-aaral ang 45 kampus sa lungsod.
Nasa 40 na lang ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan anim sa 16 na barangay sa lungsod ng Paranaque ang naitalang zero case.
Hinikayat niya ang lahat ng barangay na maghangad din ng zero COVID-19 cases sa kanilang mga lugar.
Jean Fernando