Isa umano ang availability ng mga silid-aralan sa dapat na ikonsidera sakaling tuluyan na ngang magbalik-eskwela ang mga mag-aaral sa lahat ng antas upang magdaos ng limitadong face-to-face classes, sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa ngayon ay ang mga estudyante pa lamang na binigyan ng pahintulot ng kanilang mga magulang ang pinayagang makabalik sa mga paaralan, sa panahon ng pilot run ng limited in-person classes.
Gayunman, aminado si Malaluan na maaaring maging isyu ang availability ng mga silid-aralan kung lahat na ng mga mag-aaral sa lahat ng antas ay papasok na rin sa eskwela.
“This will become an issue when we do for all the grade levels because then, the classroom availability will be a consideration,” aniya pa, sa panayam sa telebisyon.
Matatandaang noong Nobyembre may 100 public schools at 18 private schools na ang nagsimula ng limitadong face-to-face classes.
Nitong Lunes naman, pinayagan na ng DepEd ang may 177 pang paaralan, kabilang ang 28 public schools na mula sa Metro Manila, na lumahok na rin sa pilot run.
Tanging mga nasa Kindergarten hanggang Grade 3, at senior high school students, pa lamang naman ang kalahok sa aktibidad.
Nabatid na sa ngayon ay nasa 14 hanggang 16 na estudyante lamang ang pinapayagang pumasok sa bawat silid-aralan upang matiyak ang physical distancing.
Ang mga nasa senior high school naman ay maaari umanong taasan ng hanggang 20 estudyante bawat kuwarto.
Sinabi naman ni Malaluan na isa sa mga posibilidad na maaari nilang gawin ay gawing alternate ang pagpapapasok sa mga mag-aaral.
“One possibility there is that we do alternative weeks for the students. It will be difficult to accommodate a single class in the morning and afternoon sessions when we go on full scale of all grade levels,” dagdag pa ni Malaluan.
Mary Ann Santiago