Magalang na inamin ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa ginanap na online press conference nitong Biyernes, Disyembre 3, na may bashers na nakaabang na umano sa kaniya, kung paano siya magsasalita ng wikang Ingles, bilang hurado ng Miss Universe pageant na gaganapin sa bansang Israel.
Aniya, kaya niya tinanggap ang imbitasyon dahil minsan lamang dumating ang mga ganitong oportunidad para sa kaniya. Isang karangalan nga naman na mapagkatiwalaan bilang hurado sa ganitong prestihiyosong timpalak-pandaigdig.
"Siguro aaminin ko, para sa akin, minsan lang kasi mabigyan ang isang tao ng ganito kahalagang gagampanan mo sa isang Miss U, na kunsaan ay napakahalagang okasyon na magsasama-sama ang lahat. Para sa akin, isang malaking karangalan ito," pag-amin ni Marian.
Bago pa man maging hurado, matagal nang inamin ni Marian na hindi naman siya matatas sa pagsasalita gamit ang wikang Ingles, bagama't hindi ibig sabihin nito na hindi siya marunong. Ito raw ang binibira sa kaniya ng bashers.
"At siyempre, bukod doon, aaminin ko na hindi naman talaga English ang first language ko kung hindi Filipino. At kinuha nila ako dahil sa aking body of work, bilang isang Filipina. At ang masasabi ko lang, kilala n'yo naman ako. Hindi naman ako mapagpanggap, 'di ba? So, ie-express ko ang sarili ko na naaayon sa nararamdaman ko sa araw na ‘yan," wika ni Marian.
Sa Pilipinas, batay sa Konstitusyon, ang wikang Ingles ay itinuturing na wikang opisyal ng bansa, kagaya rin ng wikang Filipino, na wikang pambansa naman. Wikang Ingles din ang namamayaning wika o midyum ng pagtuturo sa akademya at iba pang sektor ng lipunan.
Kadalasan ay napagtatawanan o nalilibak ng mga Pilipino ang kanilang kapwa Pilipino kapag nagkakamali sa English grammar, ngunit dedma lamang kapag sa lokal na wika o wikang Filipino nagkamali.
Subalit sabi nga, hindi naman sukatan ng katalinuhan at karunungan ng isang tao ang wikang kaniyang ginagamit, mapa-Ingles, Filipino, lokal na wika o dayuhang wika man iyan.
Anyway, hindi pa malinaw kung sa pre-pageant selection committee lamang mapabibilang si Marian, o magiging bahagi rin ng mga hurado sa actual coronation night, na magaganap sa Disyembre 13. Ang pambato ng Pilipinas para sa Miss Universe ay si Beatrice Gomez, na aminadong miyembro ng LGBTQIA+ community.