Kamakailan lamang naglabas ng saloobin ang dating alkalde ng Pasig na si Bobby Eusebio sa kung ano ang sitwasyon ng lungsod ngayong paparating na Pasko.
Basahin: Bobby Eusebio, may patutsada nga ba kay Pasig Mayor Vico Sotto?
Ilan sa mga pinuna ni Eusebio ang kakulangan ng mga dekorasyong pamasko tulad ng mga parol at pailaw sa kalsada.
“Parating na siya si Hesukristo ang ating manunubos. Pasig, ano na ang nangyari? Walang parol? Walang kumukutitap sa kalsada? Hindi maramdaman ang diwa ng Pasko,” caption ni Eusebio sa isa sa kanyang mga post.
Sumagot naman kasalukuyang alkalde na si Vico Sotto sa mga patutsada ni Eusebio.
Sa eksklusibong interbyu ng "ABS-CBN News," sinabi ni Sotto na mayroon namang dekorasyon ang kanilang lungsod at sadyang hindi lang ito ang prayoridad.
Aniya, “Mayroon naman, hindi lang siguro siya nakaka-ikot. Hindi lang ganoon karami."
“Nag-fofocus tayo sa mga bagay na sa tingin natin importante," dagdag pa ni Sotto.
Kaugnay nito, nauna nang nagbigay ang pamahalaan ng Pasig ng pamaskong handog sa nasasakupan nito.
"Nagsimula na! PAMASKONG HANDOG 2021! Higit sa kasiyahang ibinibigay sa atin ng pandagdag-Noche Buena na ito, patotoo ang Pamaskong Handog na posible ang paggogobyerno na pantay-pantay ang tingin sa bawat isa, kakampi man o hindi!" caption ni Sotto nang i-post nito ang mga larawan ng mga pamaskong handog para sa kanyang nasasakupan.