Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nalunod habang nag-e-excursion kasama ang kanyang pamilya sa Surigao del Sur nitong Sabado, Disyembre 4.
Dead on arrival sa Marihatag District Hospital si Col. Francisco Dungo, 54, nakatalaga sa PNP National Headquarters, at taga-Libertad, Butuan City, dulot ng "asphyxia secondary to drowning."
Sinabi ni PNP spokesman Col. Rhoderic Alba, nakitang lumalangoy si Dungo sa beach na harapan ng kanilang resort sa Purok Mutya, Barangay Arorogan sa Marihatag, kasama ang kanyang pamilya at mga kasamahan sa simbahan nang maganap ang insidente nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, nasa malalim na bahagi ng beach si Dungo nang salpukin ito ng malalaking alon na sanhi ng pagkalunod nito.
Nang maiahon, tinangka ng mga surfers na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), gayunman, hindi na ito nailigtas.
Kaagad namang nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Dungo si PNP chief Gen Dionardo Carlos.
“The PNP is saddened by the untimely demise of Police Colonel Dungo, a hardworking officer who has dedicated himself to a full-time career in the police service,” sabi pa ni Carlos.