Naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio City at Metro Manila ngayong taon.
Ito ay nang maramdaman ang 11.4 degrees celsius sa nasabing Summer Capital ng Pilipinas nitong Linggo dakong 4:50 ng madaling araw.
Naitala naman ang 20.4 degrees celsius sa Science Garden ng PAGASA sa Agham Road, Quezon City dakong 6:15 ng umaga.
Isinisi naman ito ng PAGASA sa umiiral na northeast monsoon o amihan season na mararamdaman hanggang Pebrero sa susunod na taon.
Huling naramdaman ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio nang maitala ang 6.3 degrees celsius noong Enero 18, 1961.
Naitala naman ang pinakamalamig na temperatura sa National Capital Region (NCR) matapos maramdaman ang 15.1 degrees celsius noong Pebrero 4, 1987 at Disyembre 30, 1988.