Mahigit sa 2,000 estudyante mula sa mga pampublikong elementarya at senior high school (SHS) sa Metro Manila ang nakatakda nang magbalik-eskwela simula Lunes, Disyembre 6.

Ang mga naturang mag-aaral, na nasa Kindergarten hanggang Grade 3 at SHS, ay mula sa 28 na paaralan sa rehiyon na kabilang sa 177 paaralan na napili ng Department of Education (DepEd) na lumahok sa pilot phase ng limited in-person classes na isasagawa sa gitna nang nananatiling banta ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Wilfredo Cabral, officer-in-charge sa Office for the Undersecretary of Human Resources ng DepEd, isa ang National Capital Region (NCR) sa mga rehiyon na pinakahuling nagsagawa ng face-to-face classes dahil kabababa pa lamang ng Alert Level 2 sa rehiyon noong Nobyembre.

Sa inilabas na listahan ng DepEd, ang Pateros lamang ang lugar sa Metro Manila na hindi kasali sa pilot run.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Tiniyak naman ni Cabral na ang lahat ng paaralan na kalahok sa limitadong face-to-face classes ay dumaan sa masusing paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro laban sa COVID-19.

“Iyan po (mga paaralan) ay dumaan sa masusing paghahanda. Lahat ito ay sumunod doon sa patakaran na kailangang ma-achieve iyong ating safety seal using the school safety assessment tool,” ayon pa kay Cabral, sa panayamsa teleradyo.

Siniguro rin naman ni Cabral na ang mga protocols ay nakaayos na, sakali mang may estudyante o personnel silang magpositibo sa COVID-19 sa panahon ng dry run.

“Kung mayroon lalabas na kaso, whatever variant, stop po agad ang ating implementation [ng face-to-face],” paniniya ni Cabral.

Matatandaang Nobyembre 15 nang unang magsimula ang pilot run ng limitadong face-to-face classes sa bansa sa may 100 public schools sa mga lugar na low risk sa COVID-19 habang Nobyembre 22 naman nang magsimula na ring pumasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral sa may 18 pribadong paaralan.

Ang mga mag-aaral naman na hindi kasali sa pilot run ay nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa kanilang mga tahanan, sa pamamagitan ng distance learning.

Mary Ann Santiago