Diretsahang sinagot ni Kapamilya star Angelica Panganiban ang tanong ni King of Talk Boy Abunda sa kaniya, kung may movie role ba siyang tinanggihan na nang mapanood niya ay labis siyang nakaramdam ng panghihinayang?

Sagot niya: "Yung ‘Four Sisters and a Wedding, Tito Boy. Hanggang ngayon, hindi ko siya pinapanood.”

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Ang naturang pelikula ay hit movie ng Star Cinema noong 2013 ay tungkol sa pamilya Salazar, na ginampanan nina Toni Gonzaga (Teodora/Teddie), Bea Alonzo (Roberta/Bobbie), Angel Locsin (Alexandra/Alex), at Shaina Magdayao (Gabriela/Gabbie) kasama sina Coney Reyes na kanilang ina, at si Enchong Dee (CJ/Reb-Reb) na kanilang bunsong kapatid). Ito ay nasa direksyon ng box-office director na si Cathy Garcia-Molina.

Four Sisters and a Wedding.jpg
Larawan mula sa Manila Bulletin

Sa katunayan, nagagamit pa rin ang mga tumatak na linya mula sa pelikula at nagagamit pa rin sa memes hanggang ngayon, lalo na sa confrontational scene ng magkakapatid kasama ang kanilang ina. Isa na nga rito ang 'Bakit parang kasalanan ko?' ni Bobbie, na pinahayag ni Bea Alonzo.

Kuwento ni Angge, nang i-pitch daw sa kaniya ang pelikula ay may ilang detalye raw silang hindi napagkasunduan. Nang humindi raw siya, naging mabilis ang naging pasya ng Star Cinema.

"Parang ako, ‘Bakit nag-okay sila kaagad’?” natatawang pahayag pa ni Angge.

Hindi naman niya binanggit kung alin sa mga karakter sa pelikula ang dapat sana ay magiging role niya.

Anyway, wala man ngayon sa teleserye ay hindi pa rin nauubusan ng proyekto si Angge. May niluluto umanong sitcom ang Kapamilya Network para sa kanilang dalawa ni Piolo Pascual, na baka eventually ay itapat sa sitcom ni John Lloyd Cruz sa GMA Network.

Ang huling teleserye ni Angge sa ABS-CBN ay 'Walang Hanggang Paalam' katambal si Paulo Avelino.