BAGUIO CITY – Iniutos na ang mandatory test sa lahat ng mga government at private employees working on-site, kabilang ang public utility vehicle drivers na ayaw magpabakuna na sumailalim sa coronavirus disease (COVID-19) testing dalawang beses sa kada-buwan na sariling gastos.
Ang kautuasang ito nakapaloob sa Executive Order No. 159-2021 na inisyu ni Mayor Benjamin Magalong nitong Nobyembre 29 bilang pagsunod sa direktiba ng national Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ang testing requirement sa mga public utility jeepney at taxi drivers ay nakapaloob naman sa Executive Order No. 160-2021 sa ilalim ng Alert Level 2 guidelines ng siyudad.
Isasagawa ang pagsusuri sa pamamagitan ng RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) o antigen hangga't hindi pa nagpapasyang magpabakuna ang isang empleyado.
Gayunman, kapag ang isang empleyado aytumangging magpa-second dose hanggang lumagpas ang prescribed period ay muling sasailalim sa mandatory regular testing.
Sa mga workers o individual na ayaw magpabakuna dahil sa health reasons ay kinakailangang kumuha ng medical certificate sa City Health Services Office (CHSO) para sa exemption ng bimonthly test requirement.
Gayunman, isasailalim pa rin sila sa pagsusuri ng CHSO kada tatlong buwan.
Ang mga establisimyentong mahuhulihan ng mga hindi bakunadong empleyado ay irereport sa Department of Labor and Employment, Department of Interior and Local Government, Civil Service Commission at sa iba pang ahensya para sa kaukulang aksyon.
Zaldy Comanda