Hindi pa natutukoy sa bansa ang potensyal na mas nakahahawang Omicron coronavirus variant, ayon sa mga awtoridad nitong Sabado, Dis. 4.

“So far, wala pa tayong na detect na Omicron sa 18,000 [positive samples] na nai-sequence natin,” sabi ni Philippine Genome Center (PGC) Executive Director Dr. Cynthia Saloma sa isang public briefing.

Nang tanungin kung nasa Pilipinas na ang Omicron variant ngunit hindi pa ito natukoy, naniniwala si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi iyon ang kaso sa ngayon.

“Wala naman tayong nakikitaan na mga lugar sa ating bansa ngayon na may biglang pagtaas ng mga kaso or cluster of infections because that can be one of the determinants kung saka-sakali na nakapasok na itong Omicron variant,” sabi ni Vergeire.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Because if you see in the other countries, nagpuputukan ang mga kaso nila, biglang tumataas ang numero. Dito naman sa ating bansa ay hindi natin nakikita. Sa tingin ko sa ngayon, hindi pa nakakapasok ang variant na ito sa ating bansa. Patuloy natin imomonitor iyan,” dagdag niya.

Samantala, ang mga sample ng tatlong biyahero mula sa South Africa, Burkina Faso at Egypt na nagpositibo sa COVID-19 ay sasailalim sa genome sequencing upang matukoy kung mayroon silang Omicron variant, ani Vergeire.

“Kakasumite palang po ng mga samples nila, I think yesterday, kaya kasama iyan sa batch na ipro-proseso palang ng Philippine Genome Center, sabi ng health official.

Sinabi ni Saloma na nakatanggap na sila ng 242 positive samples ng mga inbound traveler na pumasok sa Pilipinas noong Nobyembre. Ang mga sample na ito ay sasailalim sa genome sequencing, aniya.

Tiniyak nito na may sapat na kagamitan ang PGC upang ilunsad ang buong genome sequencing.

“Mayroon naman po tayong sufficient kits for the rest of the year and also up to the first quarter of next year na makagawa po tayo ng whole genome sequence,” sabi ni Saloma.

Dapat na patuloy na maging mapagbantay ang publiko at manatiling handa ang mga health facilities sa gitna ng bansa ng Omicron, ani Saloma.

“Ang sinasabi namin, it’s not a question of if it is here, it’s a question of when. Kaya kailangan po tayo maghanda saka yung ating mga healthcare facilities ma-improve natin,” sabi niya.

“Nakita din natin sa cases sa ibang bansa na kailangan ng vaccination at the same time mag practice pa rin ng mga minimum health standards,” dagdag niya.

Analou de Vera