Kinapanayam ni Megastar Sharon Cuneta ang presidential candidate na si Vice President Leni Robredo na umere nitong Disyembre 3, 2021, sa YouTube channel ni Shawie na pinamagatang 'Kilalanin Natin si Leni: An Extraordinary Conversation.'

"This was one of the most memorable conversations that I ever had with someone that I admire and look up to. Isang mabuting ina, mapagmahal na asawa at tapat na public servant. It's my honor and a privilege to share with all of you my interview with Ma'am Leni. Pareho kaming radikal magmahal," saad ni Sharon sa caption.

Si Mega ang misis ng running mate ni VP Leni na si Senator Francis 'Kiko' Pangilinan.

Nagsimula ang kanilang kumbersasyon sa pag-amin ni VP Leni na tagahanga silang dalawa ng yumao niyang mister na si Jesse Robredo, ng Megastar. Si Mega naman, tagahanga ng mister ni VP leni dahil sa maganda umanong track record nito.

VP Leni Robredo (Screengrab mula sa YT/Sharon Cuneta Network

VP Leni Robredo (Screengrab mula sa YT/Sharon Cuneta Network

Isa sa mga highlights ng panayam ay nang tanungin ni Sharon si VP Leni kung bakit si Senator Kiko ang napili niyang running mate.

"Actually maraming sina-suggest sa akin… sina-suggest si ganito… o baka puwede pang mag-unify with other parties para mabawasan yung mga kandidato, pero yung unification nga did not work," pag-amin ni VP Leni.

"So yung hindi nag-work yung unification syempre titingin na ako sa sariling mga kasama."

"Noong una hindi ko pa tinitingnan si Senator Kiko kasi I knew that personal circumstances para sa akin sobrang unfair for him pero noong may nakausap ako na suggesting him parang feeling mo na he makes the most sense,” ani VP Leni.

Komportable umano si VP Leni kay Senator Kiko, halos pareho sila ng personalidad, at halos pareho rin ng values na mayroon ang kaniyang nasirang mister.

Kaya nang nag-file na siya ng kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo, kaagad na niyang pinadalhan ng text message si Senator Kiko upang hikayatin itong maging running mate niya.

Nabigla umano ang senador dahil ang balak daw talaga nito ay re-election bilang senador, at nakahanda na nga raw ang team nito. Kahit si Mega ay nabigla rin umano sa naging desisyon ng mister. Nang maganap ito ay nasa New York, USA si Shawie para bisitahin ang anak na si Frankie.

Ipinagdasal umano ni VP Leni na mapapayag ang senador, kahit na ang iniisip niya ay ang posibleng pagtutol ni Mega. Inisip pa nga ni VP Leni na baka 'galit' sa kaniya si Shawie dahil ginugulo niya ang buhay nilang mag-asawa.

"Ma'am, talagang hindi po naging madali sa akin, pero inisip ko talaga yung situation ninyong dalawa. Na, sense of duty po talaga eh," pag-amin ni Sharon.

"Oo nga, pareho naman kami," turan ni VP Leni.

"Sa akin, I cannot dictate to my husband who has been wanting to serve since he was seven years old… and I cannot also say no, don't support Ma'am Leni," dagdag pa ni Sharon. Matagal na niyang sinabi kay VP Leni na kung magdesisyon man itong tumakbo bilang pangulo, buong-buo ang pagsuporta niya rito.