Isang lalaki na nakatanggap ng dalawang doses ng magkaibang brand ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa loob ng isang araw sa Zamboanga City noong Nobyembre ay hindi nakaranas ng “untoward effect” sa ngayon, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Dis. 4.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na binabantayan ang kalagayan ng kalusugan ng residente ng Zamboanga.

“Itong report na pong ito ay nakarating sa amin. The individual is currently being monitored pero hanggang sa ngayon naman po wala naman pong nairi-report sa atin na nagkaroon ng untoward effect,” sabi ng opisyal.

Naiulat na ang 42-nyos na lalaki ay naturukan ng Sinovac at AsreaZeneca COVID-19 vaccines noong Nob. 16 sa Sitio Susuna sa Barangay La Paz.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang tanungin kung ano ang mga posibleng reaksyon na maaaring maranasan ng isang indibidwal kasunod nito, sinabi ni Vergeire na “tinitingnan pa rin ang mga karaniwang reakyson mula sa mga bakuna.”

“Common po na mga reaksiyon natin na sumasakit ang ulo, tumataas ang presyon o kaya ay masakit sa vaccination site – iyan po,” sabi niya.

“Bukod po doon, wala naman po talagang kumpleto pang ebidensiya para makapagbigay sa atin na kapag tayo ay nag-mix-and-match, kung anong reaksiyon ang mangyayari kaya po patuloy nating minu-monitor ang ating kababayan na iyan,” dagdag niya.

Paalala sa LGUs

Pinaalalahanan ni Vergeire ang mga lokal na pamahalaan na maging maingat sa pamamahagi ng bakuna.

Dapat ding umanong magkaroon ng magkahiwalay na pila para sa mga tatanggap sa una, ikalawa o booster dose, ani Vergeire.

“Nananawagan po kami sa ating mga local governments and vaccination sites, maging cautious po tayo na sana po magkaroon po tayo ng specific lanes for each type of vaccination na gagawin po natin para hindi po tayo nagkakaroon ng errors at hindi rin po nagkakaroon ng pag-aagam-agam ang ating mga kababayan,” sabi nito.

Analou de Vera