Tiniyak ni Vice President Leni Robredo sa publiko nitong Sabado, Disyembre 4, na siya ay fit and healthy para maging susunod na pangulo ng bansa sa 2022.

Binigyang-diin ni Robredo, pinuno ng oposisyon, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pangulo na malusog upang maisagawa ang mga gawain.

“Well, ano kasi, may obligasyon tayong manilbihan sa taong-bayan in the best way we can. Sa akin, mula noong nag-vice president ako, talagang nag-exert ako ng maraming effort to make sure that I’m healthy dahil kung nagkakasakit ka, it takes you away from your work eh,” aniya sa mga media sa Iloilo City.

Nagbisikleta ang bise presidente sa Iloilo Esplanade kasama ang kanyang running mate na si Senador Kiko Pangilinan. Lumahok rin ang mga kababaihan at batang bikers sa naturang event na pinangalanang "Ride for Leni."

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inorganisa ang Ride with Leni ng Ilonggo biking community upang ipagdiwang ang dalawang national gold awards na Most Bicycle-Friendly City 2021 from Mobility Awards, at Best in Bike Lanes 2021 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Dumalo rin sa okasyon sina Senador Franklin Drilon; Senate bets Chel Diokno, Sonny Matula, at Alex Lacson; Iloilo City Mayor Jerry Treñas, at iba pang lokal na opisyal.

Sinabi ni Robredo na nais niyang gayahin ang mga bike-friendly lane at imprastraktura ng Iloilo City para sa buong bansa.

Ibinahagi rin ni Robredo na wala siyang oras na magbisikleta dahil nakatira siya sa isang condominium unit sa Metro Manila at matagal nang hindi nakakauwi sa Naga City.

“Ang tagal na noong last bike ko," aniya.

“Sana, sana magawa natin ‘yung nagawa ni Iloilo, ng Iloilo,in many other parts of the Philippines,”dagdag pa niya.