Karangalan sa Pilipinas at komunidad ng mga Pilipino sa ibang bansa ang bitbit ng Filipino stage at screen actor na si Van Ferro dahil nominado siya sa dalawang acting awards, para sa regional Chicago BroadwayWorld Awards ngayong 2021.
Kung papalarin, posibleng maiuwi ni Ferro ang mga pagkilala bilang Best Supporting Performer in a Play dahil sa kaniyang critically acclaimed performance sa 'Shipwrecked' ng Oil Lamp Theater at Best Supporting Performer in a Streaming Musical para naman sa 'Rip Van Winkle' ng Sigman Brothers.
“I hope to open more varied roles for Filipinos in American theater,” saad ni Ferro. “We have range. We’re capable of more than being typecast performing Miss Saigon again and again.”
As of November 26, 2021 ay nangunguna na si Ferro sa bilang ng mga boto na magmumula sa mga tagahanga at tagasuporta. Kung magtutuloy-tuloy ang pagdagsa ng mga boto, siya ang kauna-unahang Pilipinong makapag-uuwi ng karangalang ito. Siya rin ang kauna-unahang Pilipinong naging nominado para sa regional audience awards.
Matatandaang si Rachelle Ann Go naman ang nagwagi sa UK/West End edition ng BroadwayWorld Awards noong 2018.
Nasa high school pa lamang daw ay kakikitaan na ng kahusayan si Ferro, hindi lamang sa pag-arte, kundi sa public speaking at debate. Mahusay rin siya sa industrials at pagbo-voice over. Masayang-masaya ang kaniyang mga naging guro at naging kamag-aral sa panibagong milestone na ito sa buhay ni Ferro.
Bukod sa teatro, napabilang din siya sa mga TV shows sa US gaya ng 'Kitty Diaries', 'Corona Diaries', at 'Message in the Sand'.
Isa rin siyang registered nurse, office manager, at stand-in.
May mensahe naman siya para sa mga kababayang Pilipino na gaya niya ay nalilinya ang pangarap sa larangan ng sining at pag-arte sa teatro. Kayang-kaya umanong makipagsabayan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
"I hope that this achievement will inspire someone to follow us in the arts and theater because now, the doors are open and we’ve proven that we can get toe to toe with world-class talents. It is a testament to the power that Filipinos have when it comes to the art of performing," aniya.
Magtatapos ang botohan sa December 31, 2021. Ang mga magwawagi ay ihahayag sa January 2022. Para makaboto kay Ferro, magsadya lamang sa website ng BroadwayWorld Awards sa https://www.broadwayworld.com/chicago/voteregion.cfm.