Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tatlong biyaherong nagmula sa South Africa, Burkina Faso, at Egypt, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa isinagawang pulong balitaan, binanggit niHealth Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mula Nobyembre 15-29 ay dumating sa bansa ang aabot sa 253 na biyahero mula sa South Africa, tatlo mula sa Burkina Faso, at 541 mula sa Egypt.

“Each of these countries nagkaroon ng travelers who tested positive for COVID-19. Merong isa out of 253 from South Africa, isa out of 541 from Egypt, at isa out of three from Burkina Faso,” sabi ni Vergeire.

“So lahat po ng nag positive na ‘yan as long as CT values are appropriate, ipapadala po natin sa Philippine Genome Center for whole-genome sequencing,” pahayag nito.

Ipinaliwanag ni Vergeire na isang 23-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na dumating sa bansa mula sa South Africa nitong Nobyembre 16 ang nagpositibo sa virus.

“We are verifying info and isolation status. Sample received at PGC yesterday and will be included in next sequencing run,” aniya.

Matatandaang unang nadiskubre ang Omicron variant sa South Africa at ito ay tinukoy ng World Health Organization (WHO) na variant of concern kaya agad na ipinagbawal ng gobyerno ang pagpasok sa Pilipinas ng mga biyaherongnagmumula sa mga bansang nasa red list nito.