Walang indikasyon na may nalalapit na malaking pagsabog sa kabila ng phreatic eruption na naganap sa Mt. Pinatubo nitong Martes, Nob. 30, ani Science and Technology Undersecretary at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum Jr.
“Kung titignan natin yung [pagsabog ng Pinatubo] history, hindi natin inaasahan na magkakaroon ng kahalintulad ng 1991 eruption kaagad-agad pero syempre hindi natin pwedeng tanggalin yung posibilidad na magkaroon ng mga maliliit na explosions kaya patuloy nating binabantayan ito nang mabuti,” sabi ni Solidum sa isang panayam sa DZBB.
Ipinaliwanag ni Solidum na ang magma ay umakyat sa ibabaw ng Pinatubo dahilan para humantong ito sa isang malaking pagsabog noong 1991, hindi tulad naganap nitong Martes kung saan walang pag-akyat ng magma ang naobserbahan.
“Nung 1991 at 1992 may umakyat talagang magma na umabot sa ibabaw at nung 1991, isinabog ng masyadong malakas. Dito sa nangyayari, wala pang umaakyat na magma tayong naitatala sa kadahilanang ang mga lindol ay masyadong malalim pa mga 10 kilometers or below,” dagdag niya.
Sinabi ng Phivolcs nitong Martes na naganap ang phreatic eruption sa Pinatubo crater sa pagitan ng 12:09 p.m. at 12:13 p.m.
Tinukoy nito ang phreatic eruption bilang “stream-driven explosions na nangyayari kapag ang tubig sa ilalim o ibabaw ng lupa ay direktang pinainit ng maiinit na bato o bagong deposito ng bulkan, hal. ang PDC deposits, lava, o hindi direktang magma o magmatic gas.”
"Considering that there has been very low seismic activity in the volcano in the past days and low diffuse volcanic CO2 (carbon dioxide) flux measured at Pinatubo Crater Lake, and high infrasound over seismic energy released by the eruption, the event was likely driven by shallow hydrothermal processes beneath the edifice,” anunsyo ng Phivolcs nitong Martes.
Pinaalalahanan ni Solidum ang publiko na nananatili sa “normal” alert status ang Mt. Pinatubo sa ngayon.
“The prevailing Alert Level 0 status of the volcano is currently under consideration pending the results of ongoing GPS (global positioning system) and InSAR (Interferometric Synthetic Aperture Radar) data processing,” pagpupunto ng Phivolcs.
Gayunpaman, hindi pinapayuhan na pasukin ang Pinatubo crater dahil ang mababaw na phreatic o hydrothermal explosions, tulad ng kamakailang aktibidad, ay maaaring mangyari nang walang babala, dagdag nito.
Ellalyn De Vera-Ruiz