Halos 60 stranded overseas Filipinos sa Kingdom of Bahrain ang pinauwi sa bansa kamakailan, pagbabahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Dis. 1.
Limang ward ng shelter ng Philippine Embassy sa ibang bansa, at dalawang buwang gulang na sanggol na anak ng isa sa mga detainee ang kabilang sa 58 stranded overseas Filipinos na bumalik sa Pilipinas noong Nob. 26.
Ibinalik sila sa bansa sa pamamagitan ng repatriation program ng Philippine Embassy sa Bahrain.
Ayon sa DFA, naka-confine sa Female Detention Center ang mga nakakulong dahil sa iba’t ibang paglabag. Natapos na nila ang kani-kanilang sentensiya ngunit hindi agad nakaalis sa Bahrain dahil sa kakulangan ng available seats sa mga inbound flight patungong Pilipinas.
Ang mga ward naman ay pinatira sa Embassy shelter matapos umalis sa kani-kanilang amo dahil sa mahirap na kondisyon sa pagtatrabaho.
“Through the Embassy’s efforts in coordinating with the DFA and the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), additional seats were made available by Gulf Air, at a special rate which enabled stranded Filipinos to return home,”sabi ng ahensya.
Nakipag-ugnayan din ang Labour Market Regulatory Authority, the Nationality, Passports and Residence Affairs, ang Bahrain Police, at ang General Diretorate for Reform and Rehabilitation of the Kingdom of Bahrain sa pagproseso at pagpapalabas ng exit clearance ng mga repatriate.
Sinabi ng Embahada na patuloy itong magbibigay ng tulong sa pagpapauwi ng mga distressed Filipinos sa Bahrain bilang bahagi ng COVID-19 response program ng gobyerno.
Betheena Unite