Ipatutupad muli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o mas kilala sa tawag na number coding scheme na epektibo bukas, Miyerkules, Disyembre 1, simula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi maliban sa mga holidays o pista.
Ito ay matapos aprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon ukol sa implementasyon ng kalibrasyon ng mga hakbang sa pagpapagaan ng trapik sa National Capital Region (NCR) na layung maiwasan ang traffic management crisis sa hinaharap.
Ayon sa MMDA Resolution No. 21-30, ang nakaraang travel survey at analysis na isinagawa ng MMDA Traffic Engineering Center, kasama na ang pagbibilang ng dami ng sasakyan, travel time at travel speed study, at average daily traffic rate, ay natukoy na ang kasalukuyang sitwasyon ng trapiko ay paparating sa pre-pandemic levels.
Sa pulong balitaan nitong Martes sa MMDA headquarters sa Makati City, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang muling pagpapairal ng number coding scheme sa Metro Manila ay sakop lamang nito ang mga pribadong sasakyan. Ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos ng 1 at 2 ay pinagbabawalan ng Lunes; 3 at 4 ng Martes; 5 at 6 ng Miyerkules, 7 at 8 ng Huwebes; at 9 at 0 naman ng Biyernes.
Exempted sa modified UVVRP ay ang mga public utility vehicles (kasama na ang tricycles), transport network vehicle services (TNVS), motorcycles, garbage trucks, fuel trucks, at motor vehicles na may dalang mahahalaga at perishable goods.
“Data shows that the travel speed along the northbound portion of EDSA is 9.66 kilometers per hour. Hence, we have to reinstate the number coding scheme during the afternoon rush hours to address the problem. We are trying to exhaust all options here,” punto ni Abalos.
“The solution to this problem is efficient traffic management and mass transport system.”
Inihayag naman ni Neomie Recio, MMDA Traffic Discipline Office director, na tinatayang 2,700 sasakyan kada oras ang mababawas na dumaraan sa EDSA pa lamang. Samantala,ang total truck ban policy sa EDSA sa pagitan ng Magallanes, Makati City at North Avenue, Quezon City, parehong northbound at southbound, ay mananatili at istriktong pagpapatupad ng may exception sa garbage trucks, fuel trucks, at trucks na may dalang essential o perishable goods.
Sa kabilang banda, mananatiling suspendido naman ang truck ban hours sa Metro Manila hanggang sa maglabas ng abiso ang ahensya.
"'Trucks' refer to motor vehicles, whether for commercial use or not, with a gross capacity weight of above 4,500 kilograms," ayon pa sa MMDA chief.
Binubuo ang MMC ng 17 local government units sa Metro Manila, ang governing body at policy-making body ng MMDA.
Bella Gamotea