Nauwi sa madugong trahedya ang sana'y masayang inuman nang magtalo at barilin ng isang guwardiya ang kainuman nitong janitor na ikinahulog pa ng biktima mula sa rooftop ng ikawalong palapag ng condominium sa Makati City, kaninang madaling araw ng Nobyembre 30.

Dead on the spot ang biktima na kinilalang si Ronald Tolo, 38, stay-in janitor sa condominium sa Barangay San Lorenzo, Makati City, sanhi ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan at tinamong matinding pinsala buhat sa pagkakahulog sa naturang gusali.

Nakakulong ngayon sa Custodial Facility ng Makati City Police ang suspek na si Dionisio Tabla y Alison, 51, may asawa, security guard, at residente sa Brgy. Lamgam, San Pedro, Laguna.

Sa ulat, naganap ang insidente ng pamamaril sa rooftop ng condominium dakong 12:55 ng madaling araw ng Martes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima at suspek sa  rooftop sa 8th floor ng naturang condo, nang biglang magtalo sa hindi batid na dahilan.

Sa galit ng suspek binunot nito ang baril mula sa kanyang baywang saka pinutukan ng ilang beses sa katawan si Tolo at tuluyang nahulog at bumagsak ang biktima sa ibaba ng gusali na kanyang ikinamatay.

Batay sa pahayag ng saksi na si Carlito Pagobo, duty guard ng naturang condominium, na nakarinig siya ng tatlong putok ng baril bago nakitang nahulog ang isang lalaki mula sa rooftop at bumagsak sa baba kaya agad nitong inireport ang insidente sa kanyang kasamang guwardiya na si Noel Imbing na mabilis namang humingi ng police assistance.

Sa ikinasang follow-up operation ng awtoridad,agad naaresto ang suspek na si Tabla habang narekober naman ang isang caliber .38 revolver SN 02896, limang basyo at isang bala ng nasabing baril sa madamong bahagi ng hardin sa  Rada St. katabi lamang ng Thailand Embassy Building.

Bukod dito,dalawa pang cal. .38 revolver ang isasailalim sa ballistic examination kaugnay sa nangyaring insidente. Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong murder laban kay Tabla.

Bella Gamotea