Plano ng gobyerno na maisagawa ang pagbabakuna sa mga batang nasa 5-11 taong gulang sa Enero ng susunod na taon sa gitna ng banta ng lumalaganap na Omicron (B1.1.529) variant sa iba't ibang bansa.
Paglilinaw ng vaccine czar at chief implementer ng National Task Force (NTF) Against COVID-19) na si Secretary Carlito Galvez nitong Lunes, Nobyembre 29, uunahin muna nila ang booster shots ng mga economic frontliners (A4) at indigent population (A5) sa Disyembre 10.
Pagdidiin ni Galvez, sapat na ang nakaimbak na supply ng bakuna sa bansa upang maisagawa ang nasabing hakbang.
Paliwanag nito, nakausap na nila si Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo kaugnay ng pagkakabilang sa pagbabakuna ng mga batang nasa 5-11 age group.
“Ang planning namin ay first quarter of 2022 so January,mag-start tayo and we want to finish that by first quarter.Gusto natin maprotektahanang children against Omicron. We don’t know yet the vulnerabilities of children,” aniya.
Nilinaw din ni Galvez na bago matapos ang Disyembre, posibleng ilabas ang emergency use authorization (EUA) ng mga bakunang maaaring magamit.
“Baka lumabas na before the end of December. Ang nakaplano sa amin, once lumabas ito ay we will execute it immediately," pagdidiin pa ni Galvez.
Martin Sadongdong