Nananatiling nasa ilalim ng low-risk case classification ang bansa para sa coronavirus disease (COVID-19) habang binigyang-diin ng Department of Health nitong Lunes, Nob. 29 ang pangangailangang mapanatili ang trend na ito.
Sa isang media briefing, sinabi ni Dr. Althea de Guzman, medical specialist sa DOH Epidemiology Bureau na napanatili ng bansa ang dalawang linggong negative growth rate na ngayon ay nasa negative 45 at average daily attack rate (ADAR) na 1.02 bawat 100,000 populasyon.
“‘Kapag ang ADAR na ‘to ay bumaba na to under 1 from a low risk classification tayo ay bababa na rin to minimal case classification,” paliwanag ni De Guzman.
“Our average cases per day is now at 896 cases or 34 percent lower than the previous week,”dagdag niya.
Sinabi niya na ito ang pinakamababang bilang ng mga kaso na naobserbahan mula noong peak ng Agosto 2020 na mula Disyembre 27 hanggang Enero 2 sa 1,130 kaso.
Samantala, ang low risk classification na ito, ayon kay De Guzman, ay sinamahan din ng parehong low-risk utilization rate kung saan ang bansa ay mayroon lamang 21.85 percent ng kabuuang COVID-19 beds na okupado habang ang intensive care unit (ICU) beds ay nasa 36.57 percent occupancy.
Kasama ng bansa na nasa low-risk case classification ay ang Region II, Cordillera Administrative Region, National Capital Region, Region IX, at Region IV-B habang ang natitirang mga rehiyon ay nasa miminal case classification.
Iniulat din ni De Guzman na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay may utilization rate na mas mababa sa 50 percent para sa parehong kabuuang COVID-19 at ICU beds.
Dhel Nazario