Naglabas ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng panalangin para sa nalalapit na May 9, 2022 National and Local Elections.
Ang naturang 24-line prayer ay inilunsad nitong unang Linggo ng adbiyento o First Sunday of Advent.
Ito ay inihanda ni dating CBCP president at Lingayen Archbishop Socrates Villegas at in-adopt mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRC).
Layunin nitong hilingin sa Panginoon na ang magiging resulta ng nalalapit na eleksyon sa bansa ay tunay na magpakita sa Kanyang kalooban.
Sa isang pahayag, sinabi ni CBCP President Archbishop Romulo Valles na ang naturang panalangin ay kahalintulad din ng Oratio Imperata, gayunman, nakatuon sa 16 values na nakapaloob sa panimula ng Konstitusyon.
Sinabi ni Valles na inirerekomenda ng Episcopal Commission on Liturgy na dasalin ng mga mananampalataya ang Oratio Imperata para sa proteksiyon laban sa COVID-19 bago ang banal na misa sa mga Parokya, dahil marami nang panalangin ang binibigkas sa mga misa tuwing Linggo.
Ang panalangin naman para sa 2022 Elections ay maaaring bigkasin tuwing una at ikatlong Linggo ng buwan, habang ang panalangin para sa Synod on Synodality ay dadasalin sa ikalawa at ikaapat na Linggo ng buwan.
Mary Ann Santiago