Umalis na patungong Phuket sa Thailand ang continental team na 7Eleven Cliqq-Air21 Roadbike Philippines upang sumabak sa Tour of Thailand.
Sa unang pagkakataon, sasalang ang koponang 7Eleven sa isang UCI sanctioned race makalipas ang dalawang taon na pagkabakante dahil sa pandemya.
Ang mga siklistang bumubuo sa koponan ay sina Marcelo Felipe, Arjay Peralta, Nicole Pareja, Rench Michael Bondoc, Johnrey Buccat at Kenneth Krogg. Kasama rin nila sina team director Ric Rodriguez at mga staff na sina Jerome Aparejo at Orly Villanueva.
Sa ikalawang pagkakataon sa loob ng apat na araw ay muling sasailalim sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test ang koponan pagdating sa lugar bago sila pahintulutan na makapag-ensayo at lumahok sa klasipikadong 2.1 race na gaganapin sa Disyembre 1-6.
May 14 pang mga koponan ang sasabak din sa nasabing karera kabilang na ang isa pang Pinoy squad na Go for Gold.
Pamumunuan ng headcoach na si Ednalyn Hualda ang koponan ng Go for Gold na kinabibilangan nina Daniel Bien Cariño, Ismael Gorospe, Dominic Perez, Aidan James Mendoza, Ronnilan Quita at Jerico Lucero.
Marivic Awitan