Sinabi ni presidential aspirant at standard bearer ng Aksyon Demokratiko na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na kung sakaling mananalo siya bilang pangulo ng Pilipinas, isusulong niya ang pagmumungkahing bawasan ang pagkonsumo ng kanin ng mga Pilipino, upang makatulong sa usaping pangkalusugan at mabawasan din ang pag-import ng bigas sa bansa.

Sa ilalim umano ng administrasyong Domagoso, hihikayatin niya ang mga Pilipino sa diet na kahalintulad ng pagkain ng mga Koreano at Japanese na mas marami ang gulay sa pinggan kaysa sa kanin.

"Nasa 130 kilos per capita ang konsumo ng Pilipino sa bigas. Sa Japan, sa Korea nasa mga 50 lang," pahayag niya noong Biyernes, Nobyembre 26.

"Sa kanila kapag kakain ng kanin konti lang kasi maraming gulay. Tayo baliktad."

"Dahil mahal ang ulam, mahal din ang gulay kaya gagawin ng tao para mabusog siya, kanin ang titirahin niya," pahayag ng mayor ng Maynila.

Kapag nakita umano ng mga Pilipino ang kagandahan sa pagbabawas ng pagkain ng kanin, tiyak na malulunasan ang mga sakit na kaakibat nito gaya ng diabetes.

Kumakausap na raw siya sa ilang mga sektor sa agrikultura upang mapataas pa ang produksyon ng gulay, mas mapababa ang presyo nito at maging affordable para sa mga Pilipino. Aniya, mag-iinvest umano siya sa paglalapat ng mas makabagong teknolohiya sa pagsasaka, intercropping, atdiversification of crops sa mga bukid.

Panahon na raw upang maki-angkop at makisabay ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya ng pagtatanim at pagsasaka.

"It’s high time to talk to our farmers to adopt new technology. Those technologies should be funded by the state. Hindi 'yung bibigyan mo lang ng traktora, ng pananim," aniya.

Batay sa pag-aaral ng Philippine Statistic Authority noong 2015-2016, ang bigas o kanin pa rin ang nangungunang pagkain para sa hapag-kainan ng mga Pinoy, na may kabuuang 93% of households ang kumakain nito sa regular at pang-araw-araw na pamumuhay.

Sumunod naman dito ang itlog (82.33%) chicken meat (63%), pork o karne ng baboy (62%), isda (35-43%), at beef o karne ng baka (9.66%).

"If we change the habit of eating by providing more affordable vegetables… If we are going to lower the consumption of rice per capita, hindi natin kailangan mag-import nang mag-import," giit pa ni Domagoso.

Bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagkain ng kanin, dahil 'ika nga, kahit anong ipareha sa kanin ay uubra na at mairaraos ang mga meal sa isang araw.