SORSOGON CITY—Nilagdaan ni Gov. Francis “Chiz” Escudero ang executive order (EO) upang ipakita ang buong suporta sa “Bayanihan, Bakunahan, National COVID-19 Vaccination Days” na magaganap sa Nob. 29 hanggang Dis. 1.
Sa kanyang EO, inatasan ni Escudero ang lahat ng mga alkalde at isang lungsod na palawigin ang buong suporta para sa sabay-sabay na pagbabakuna at hikayatan ang mga tanggapan ng gobyerno na lumahok sa inisyatiba.
Inatasan din niya ang mga lokal na pamahalaan na payagan ang lahat ng kani-kanilang healthcare workers na lumahok sa 30-day nationwide massive vaccination drive alinsunod sa Presidential Proclamation 1253 na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
“The provincial government of Sorsogon fully supports this endeavor and aims to guide its operation in the province having earlier issued guidelines on the ramping-up of vaccination activities locally,” ani Escudero sa nilagdaang EO nitong Nob. 24.
Ibinunyag ni Escudero na layon ng probinsya na makapagbakuna ng nasa 53,586 Sorsoganons sa nasabing vaccination campaign.
Mula Nob. 23 nasa 60 percent na sa target na populasyon o katumbas ng 356,433 katao ang nababakunahan laban sa COVID-19, pagsasaad ni Escudero.
“We will reach 65% full vaccination of our population by mid-December since we started getting our ‘fair share’ of vaccines in October, or in less than three months,” sabi ng gobernador.
Ilulunsad sa bayan ng Pilar ang vaccination drive sa Sorsogon ayon sa Department of Health (DOH)-Bicol.
Layon na mabakunahan ang 15 milyong Pilipino sa ilalim ng programa.
“From March 2021, when the vaccine rollout started in Metro Manila, until last September, Sorsogon received 5,000 doses only per month from the national government. However, the province saw an increase in COVID-19 vaccine allocation in October to 50,000 doses every two weeks,”dagdag ni Escudero.