Nakatakdang gawaran ng sagradong pallium ng Papal Nuncio si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Manila Cathedral sa susunod na buwan.
Nabatid na ang naturang sagradong pallium ay igagawad ni Archbishop Charles Brown, Apostolic Nuncio to the Philippines, kay Advincula sa isang banal na misa na idaraos sa Manila Cathedral sa Disyembre 8, kasabay ngSolemnity of the Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary.
Ang pallium ay isang vestment na gawa sa puting wool na ang nagsusuot lamang ay ang mga pontiff at mga Arsobispo.
Ginagamit ng Santo Papa ang pallium bilang simbolo ng ‘plenitude of pontifical office.’
Para naman sa mga Arsobispo, kumakatawan ito sa awtoridad na ipinagkaloob sa kanila ng Santo Papa sa kani-kanilang archdioceses, partikular na ang kanilang bond at shared responsibility sa pontiff upang maging mga pastol sa kanilang rehiyon.
Kada taon, sa kapistahan nina St. Peter at St. Paul, binabasbasan ng Santo Papa ang mga pallium upang ipagkaloob sa bawat bagong metropolitan archbishop sa kani-kanilang arkidiyosesis.
Si Advincula, 69, ay kabilang sa 34 na bagong talagang arsobispo na mula sa iba’t ibang bansa.
Siya ay itinalaga ni Pope Francis bilang arsobispo ng Maynila noong Marso 25, 2021.
Pormal siyang nainstala sa kanyang bagong puwesto noong Hunyo 24.
Pinalitan niya sa puwesto si Cardinal Luis Antonio Tagle, na ngayon ay siya nang pinuno ng Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican.
Mary Ann Santiago