Mukhang nakarating na kay Heaven Peralejo ang reaksyon, komento, at pamba-bash sa kaniya ng mga netizen sa caption na inilagay niya birthday message niya para sa sarili, na makikita sa kaniyang mga social media account.
Nagdiwang ng kaniyang kaarawan si Heaven at 22 na pala siya. Sinita ng mga netizen ang 'malikhaing' paglalarawan niya rito na '22 rotations around the sun and cheers to more'.
Hindi raw rotation ang dapat na termino kundi 'revolution'.
Ang rotation kasi ay terminong pang-agham para sa pag-ikot ng Earth sa axis nito, na nangyayari sa loob ng 24 oras, habang ang revolution naman ay pag-ikot ng Earth sa araw o Sun, sa loob ng 365 1/4 days o katumbas ng isang taon.
Agad naman niya itong pinalitan.
"22 revolutions* around the sun and cheers to more."
"Grateful for all the lessons, blessings, and people in my life that have helped shape the woman I’m becoming. Here’s to thriving, smiling, and riding through the waves of life!"
Nagpasalamat naman siya sa mga netizen na nagtuwid umano sa kaniya.
"*Edit: thank you for the science lesson guys!"
Kumalat pa sa TikTok ang kaniyang live kasama ang isang kaibigan, at ipinaliwanag niya na bago siya mag-post sa social media ay kumukonsulta muna siya sa kanila, at kapag aprub sa mga kaibigan niya, saka niya ito ipopost.
Makikita sa video na tila jinustify pa ng kaibigan ni Heaven kung ano ang ibig sabihin ng 22 rotations around the sun, na eventually, sa mga sandaling ito, marahil ay hindi pa nila nare-realize na mali nga ang term na ginamit nila. Sabi ng mga netizen, kung rotation kasi ang gagamitin, lalabas na 22 days old lang si Heaven, na inihalintulad pa sa 'balut'.
Mabuti naman at naituwid na ito ni Heaven at hindi na rin sumagot sa mga basher.