Umaasa ang Department of Education (DepEd) na madaragdagan pa ng₱2,000 ang honoraria na ipagkakaloob para sa mga gurong magsisilbi sa nalalapit na May 9, 2022 national and local elections.

Ito’y kahit pa una nang inilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang inaprubahan nilang pay hike kamakailan para sa mga ito, bilang antisipasyon sa mas mahabang voting hours sa araw ng halalan sa susunod na taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na bagamat mas mababa sa kanilang inaasahan, ay na-appreciate naman nila ang adjusted rates para sa honoraria ng mga guro.

Gayunman, plano aniya nilang makipag-ugnayang muli sa Comelec para sa posibleng pagdaragdag pa ng honoraria at iba pang allowance at benepisyo para sa mga gurong magsisilbi bilang poll workers.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Although it is less than our proposed increase for our teachers who will serve as poll workers, we appreciate the adjusted rates, and we will coordinate with Comelec for possible increase of the honoraria and other allowances and benefits," ayon pa kay Briones.

Matatandaang noong Nobyembre 10, inilabas ng Comelec ang naaprubahan nilang bagong honoraria at mga allowances para sa mga miyembro ng Electoral Board (EB) at iba pang mga poll workers.Ang nasabing kabayaran ay mas mababa kaysa sa iminungkahi ng DepEd.

Nabatid na noong Hunyo 2021, iminungkahi ng DepEd ang mga sumusunod na antas ng honoraria base sa Consumer Price Index at Inflation Rate noong Enero 2021:₱9,000 para sa mga Chairpersons;₱8,000 para sa mga miyembro ng EB;₱7,000 para sa DepEd Supervisor Official (DESO); at₱5,000.00 para sa Support Staff.

Hiniling din ng DepEd ang pagkakaroon ng health insurance para sa mga mahahawahan ng virus. Ang iba pang benepisyo katulad ng on-site swab testing, shifting, at oras ng trabaho para sa mga guro ng pampublikong paaralan na kabilang sa EB, tax exemption, at ang anumang absence/transfer/leave ng mga empleyado ng dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa eleksyon ay pag-aaralan ng Komisyon at ng Kagawaran.

Samantala, base sa COMELEC Resolution No. 10727, ang mga guro na magbibigay serbisyo sa sa eleksyon ay may karapatan para sa mga sumusunod na honoraria: Chairperson ng Electoral Board (EB) -₱7,000; mga miyembro ng EB -₱6,000; DepEd Supervisor Official (DESO) -₱5,000; at Support Staff -₱3,000.

Ang Chairperson at mga miyembro ng EB, DESO at ang kanilang mga kawani ay may karapatan din sa₱2,000 na travel allowance (₱1,000 para sa araw ng Final Testing at Sealing ng mga Vote Counting Machine at ang₱1,000 pa ay para sa araw ng eleksyon.)

Bukod pa dito, makatatanggap ang DESO at DESO Technical Support Staff ng communication allowance na₱1,500, habang ang mga miyembro ng EB, DESO at ang kanilang mga pangkat ay may karapatan para sa Anti-COVID-19 Allowance na₱500.

Base sa resolusyon, magkakaroon ng dagdag na minimum na limang araw na service credits ang lahat ng opisyal ng gobyerno at mga empleyado na maglilingkod bilang EB, DESO, Medical Personnel, at Support Staff. Babayaran ang honoraria at allowances sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng eleksyon.

Sa pagkakataon na ang mga maglilingkod sa eleksyon ay namatay dahil sa mga kapahamakang dulot ng eleksyon, sila ay may karapatan sa Death Benefits na nagkakahalaga ng₱500,000, at kung sila ay magkaroon ng sakit o mapahamak dulot sa eleksyon, sila ay makatatanggap ng Medical Assistance na nagkakahalaga ng₱200,000.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Education Undersecretary for Administration Alain Del B. Pascua ang mga kawani ng DepEd na isumite ang kanilang Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) applications.

“We are urging all concerned personnel to immediately submit your accomplished applications for the Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) Digital Signatures as this will be used for the coming 2022 National and Local Election,” ani Pascua.

Mary Ann Santiago