Isang estudyante sa North Korea ang nahatulang kamatayan matapos ilegal na ipuslit at ibenta ang kopya ng hit Netflix series na "Squid" Game sa bansa.

Sa isang ulat ng Daily Mail nitong Nob. 25, isang estudyante na kababalik lang ng North Korea mula sa China ang nakakuha ng “digital version” ng South Korean content na inimbak nito sa isang USB flash drive.

Sa sikat ring series mula sa South Korea na “Crash Landing On You,” matatandaang isang mabigat na pagkakasala sa North Korea ang pagpuslit ng mga materyal mula sa West countries o maging sa South Korea. Mahigpit na ipinagbabawal ng bansa ang pagpasok ng banyagang kultura kung saan ang maaaring maging parusa ay kamatayan sa sinumang mahuhuli ng mga awtoridad na lalabag dito.

Matapos na ibenta ng estudyante ang kopya ng South Korean series, kalauna’y nahuli ito sa pamamagitan ng malawak na surveillance services ng bansa. Isang tip umano ang natanggap ng 109 Sangmu, isa sa mga surveillance service, kaugnay ng ilang indibidwal na nanunuod ng Western TV show.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Dahil dito, kamatayan ang kahahantungan ng batang North Korea habang ang anim na mga kaklaseng bumili ng kopya ay ipatatapon sa malayong bahagi ng bansa upang gugulin ang limang taong “hard labor.”

Sa parehong ulat, sinabi ring ang pagpataw ng kamatayan sa estudyante ay isasagawa sa pamamagitan ng isang firing squad na kilalang isa sa mga pinakabrutal na parusa ng pamahalaan ng North Korea sa mga nagkakasala, parehong pamamaraan na nakita ng mundo sa sikat na South Korean series.

Umani ng malawak na pagtangkilik sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang Squid Game na tumatalakay sa isang dystopian na mundo kung saan nagtipon-tipon ang mga indibidwal na lubog sa utang sa South Korea upang sumugal sa mga larong ang puhunan ay sariling buhay.

Hindi maitatangging sumasalamin ang series sa kasalukuyang pamunuan ng North Korea sa ilalim ng isang diktador.