JOHANNESBURG, South Africa - Isa na namang bagong coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant ang nadiskubre ng mga eksperto sa nasabing bansa.
Sa pahayag ng mga eksperto nitong Huwebes, ang nasabing bagong variant ay kayang makapagpadami sa isang lugar at isinisi ito sa pagtaas ng bilang ng nahahawaan nito sa naturang bansa.
Nauna nang naiulat na 10 beses ang naging pagtaas ng COVID-19 cases sa na nabanggit na lugar simula nitong buwan.
“Unfortunately we have detected a new variant which is a reason for concern in South Africa,” pagkumpirma naman no virologist Tulio de Oliveira sa ipinatawag na pulong balitaan.
Paliwanag nito, napakataas ng bilang ng mutations ng nasabing variant na inaasahang bibigyan ng Greek name ng World Health Organization (WHO) ngayong Biyernes, Nobyembre 26. “It’s unfortunately causing a resurgence of infections,” pagdidiin ni De Oliveira.
Nadiskubre rin ang variant sa Botswana at Hong Kong dahil sa mga biyahero na nanggaling sa South Africa.
Tinututukan na ng WHO ang naiulat na variant at inaasahang pagpupulungan ito ng mga technical working group upang madetermina kung tutukuyin ito bilang "variant of interest o variant of concern."
“Early analysis shows that this variant has a large number of mutations that require and will undergo further study,” pahayag naman ng WHO.
Agence-France-Presse