Bagama't kinikilala nito ang kalagayan ng mga public utility vehicle (PUV) sa gitna ng pandemya at mataas na presyo ng gasolina, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang fuel subsidy program ng gobyerno ay kasalukuyang nakalaan para sa mga jeepney driver.

“Ang sinusunod at ipinapatupad po natin sa ngayon ay ang provisions ng TRAIN law kung saan specific na nakalagay na ang mabibigyan ng fuel subsidy ay PUJ (public utility jeepney) franchise grantees," ayon kay LTFRB National Capital Region (NCR) Director Zona Tamayo sa isang virtual public briefing nitong Huwebes, Nob. 25.

Binanggit ni Tamayo ang Section 82 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagsasaad na "only qualified jeepney franchise holders are entitled to fuel vouchers to cope with the increasing prices of fuel."

Gayunman, binigyang-diin ni Tamayo na sinusubukan nilang isama sa subsidy program ang mga driver ng iba pan pampublikong sasakyan dahil apektado rin sila ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Naiintindihan natin na ang presyo ng gasolina at kurudo ay hindi lang naman mga jeepney drivers ang naaapektuhan kundi pati na ang iba’t ibang modes of public transport kagaya ng taxi, UV Express at mga bus," paliwanag ni Tamayo.

“Nagkaroon na rin tayo ng proposal during the DOTr Senate Hearing na isulong din na mabigyan ng subsidy ang iba pang modes of public transport," dagdag pa niya.

Kung sakaling maaprubahan ang proposal, sinabi ni Tamayo na ibibigay nila ang assistance base sa allotted budget at bilang ng beneficiaries.

Nitong Miyerkules, nagroll out ng P1-B fuel subsidy ang LTFRB sa higit 136,000 PUJ drivers sa buong bansa.

Ang mga beneficiaries ay makatatanggap ng one-time PantawidFuel Cash Card na nagkakahalagang P7,200 bilang fuel subsidy ngayong taon.

Sinabi rin ni Tamayo na ang cash assistance ay maaari lamang gamitin sa pagbili ng gasolina sa mga kalahok na petroleum retail outlet o gas station dahil hindi nawiwithdraw ang pera.

Ang fuel cards ay mula sa Land Bank of the Philippines at nakalagay ang kumpletong pangala ng franchise holder, plate number ng PUJ, rehiyon kung saan nakarehistro, at card number upang maiwasan ang maling paggamit.

Alexandria San Juan