Kinilala ang Department of Education o DepEd bilang 'pinaka-pinagkakatiwalaang tanggapan ng pamahalaan', batay sa pinakabagong Philippine Trust Index o PTI research nitong 2021, na isinagawa ng EON group.
Batay sa kaniyang opisyal na Facebook post nitong Nobyembre 25, malugod umano nilang tinatanggap ang pagkilala sa DepEd.
"Nobyembre 25, 2021 – Malugod na tinatanggap ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagkilala sa ahensiya bilang pinaka-pinagkakatiwalaang tanggapan ng pamahalaan ayon sa pinakabagong Philippine Trust Index (PTI) 2021 research na isinagawa ng EON group."
"Ang nasabing Index, na sumusukat sa antas ng pagtitiwala ng publiko para sa mga multi-tiered na mga organisasyon sa gitna COVID-19 pandemic, ay inihayag na ang DepEd ay nakatanggap ng 91 percent trust rating, ang pinakamataas sa lahat ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan."
"Hindi magiging posible ang pagkilala na ito kung wala ang pinagsama-samang mga pagsisikap ng lahat ng ating mga education frontliners na patuloy at walang humpay na nakikiisa sa matagumpay na implementasyon ng Basic Education Learning Continuity Plan."
"Habang hinaharap natin ang mga mabibigat na hamong dala ng pandemya sa bawat araw, ang tiwala ng publiko ay lubhang mahalaga at inaasahan natin upang ang lahat ng ating mga programa ay magkaroon ng saysay at kabuluhan sa buhay ng bawat Pilipino."
"Kasama ang walang sawang suporta mula sa ating pinahahalagahang mga partners at stakeholders, tayo ay magpapatuloy sa ating misyon upang bumuo ng makabuluhang mga polisiya, interbensyon, at inisyatiba na lalong magpapahusay ng mga serbisyo sa pangunahing edukasyon para sa lahat ng ating mga mag-aaral."
"Para sa bata at sa bayan. Sulong Edukalidad!"
Nakakuha ng 91% ang DepEd at sumunod naman ang Pag-IBIG (89%), DSWD (88%), at nag-tie naman ang GSIS at BSP (87%).
Kamakailan lamang ay ibinalita na ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na aprubado na ng Senado ang kanilang magiging budget sa 2022, sa tulong ni Senadora Pia Cayetano na siyang nag-akda nito. Kasama niya sa pagdinig ng Senado ang DepEd Secretary na si Leonor Briones.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/11/23/budget-ng-deped-sa-2022-naipasa-na/
Sa 2022, inaasahan na ang unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes lalo na sa mga lugar na may mabababang kaso ng COVID-19.