Mukhang imbyerna ang mga host ng 'Take It Per Minute, Me Ganun' na sina Manay Lolit Solis, Mr. Fu, at Cristy Fermin nitong Nobyembre 23, sa lead TV host ng noontime show na 'Lunch Out Loud' o LOL ng Brightlight productions na umeere sa TV-5.
Ang lead TV host nito ay walang iba kundi si Billiy Crawford, dating Kapamilya, at host din sa kalabang programa ng LOL: ang 'It's Showtime'.
Kaugnay kasi ito ng ginawang joke time ni Billy sa isa nilang kasamahang host na si Jeffrey Tam.
Ang siste, sinipa umano ni Billy ang isang balikbayan box na dapat sana ay pagbabagsakan ng katawan ni Jeffrey, sa isa sa mga biruan nila.
Mukhang hindi nanonood si Mr. Fu ng noontime show kaya tanong niya sa dalawang senior showbiz columnist: "Umeere pa ba 'yon?"
Sey naman ni Cristy, "Ay naku! Wala na akong pakialam d 'yan."
“Yung pinakaleader na host d 'yan, 'di ba si Billy Crawford?” muling usisa ni Mr. Fu.
"Bully! Bully Crawford. Mambu-bully ‘yun eh," patutsada naman ni Cristy.
At dito na nga naungkat ang ginawa ni Billy kay Jeffrey, na naging dahilan upang magkaroon ng disgrasya sa spine o buto na nasa likod ng komedyante.
Ang itinuturo naman ni Billy, utos raw iyon ng isa sa mga komedyanteng host na si Bayani Agbayani.
"Bakit naman niya susundin?" pasaring pa ni Cristy.
Mabuti na lamang daw at minor lamang ang nangyari kay Jeffrey, dahil kung hindi, mas malaking gastusin ang ilalaan ng Brightlight Productions para kay Jeffrey. Sila naman umano ang gumastos para sa pagpapa-ospital nito.
Kaya panawagan nina Cristy at Lolit sa may-ari ng Brightlight Production na si Cong. Albee Benitez, 'tigbakin' na lang ang LOL.
Samantala, nakapanayam naman ni Ogie Diaz si Jeffrey Tam sa showbiz vlog niya.
Isiniwalat ni Jeffrey kung ano ba talaga ang nangyari. Nagbibiruan lamang sila ni Billy ng mga panahon na iyon, habang nagte-taping sila ng kanilang show.
"Actually nagbibiruan kami noon. Meron kaming ano doon na pag may pinatugtog na music, kailangan mong tumambling. So naglabas na ngayon ng balikbayan box, pinatugtog, tumambling si Wacky. Noong part ko na, sinabi ko, ‘Sige, patugtugin n'yo. Ako naman," kuwento ni Jeffrey.
Plano raw talaga ni Jeffrey ay tatalon siya nang pahiga. Subalit nang pagbagsak niya, wala na pala ang kahon. Nagdilim umano ang paningin niya.
"So ako naman, ang balak ko, hindi ako tatambling, tatalon ako, yung pahiga. So nangyari na nga, pagtalon ko, pagbagsak ko doon ako nagulat. Sabi ko, ‘Ang sakit.’ Nagdilim yung paningin ko. Yun pala, yung kahon, tinanggal, sinipa.”
"Noong sinabi mong masakit, anong ginawa ng mga kasamahan mo?” untag naman ni Ogie.
“Ang unang-unang lumapit sakin si Billy. Siya ang unang yumakap tapos ipinatigil niya yung taping,” sagot naman ni Jeffrey.
Nagkaroon umano ng crack o lamat ang kaniyang spine, at kinailangan niyang magsuot ng brace sa loob ng 2 buwan. Noong Hulyo pa umano naganap ang naturang insidente at maayos naman na raw sila ni Billy.
Wala na umano sa isip niya na magalit pa o sisihin si Billy sa mga nangyari.
"Para sa akin kasi noon, wala na akong naisip na magagalit ako dito, magagalit ako diyan. Alam mo 'yun? Parang ang unang inisip ko na lang na thank you Lord kasi safe pa rin ako sa kabila ng nangyari na pagbagsak ko, hindi ako nabaldado, 'di ba? Hindi na pumasok sa isip ko 'yun na mag-aaway-away pa kami dahil sa ganyan."
Walang humpay naman daw ang pag-alalay at paghingi ng sorry ni Billy sa kaniya, simula nang maganap ang insidente.
"From that day na naaksidente ako hanggang sa time na gumaling at totally healed ako… si Billy, walang tigil talagang mag-sorry. Para ngang mag-syota na kami noong time na 'yun. Isipin mo paggising ko may text na agad siya, 'Bro kamusta ka na? Ano pakiramdam mo? Sorry," sabi ni Jeffrey kay Ogie.
"Ang haba ng text niya, sabi niya, 'Bro, talagang pasensya ka na' ganyan, 'Kasalanan ko 'to.' Lagi niyang inaaming 'kasalanan ko 'to.' Sabi ko, 'Bro, wala tayong pag-uusapan tungkol diyan, nakita ko yung sinseridad mo na inaamin mong kasalanan mo.'"
Sa ngayon ay umeere pa rin sa tanghali ang nabanggit na noontime show.