Mismong si Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III ang nanguna sa isinagawang ceremonial COVID-19 booster vaccination para sa senior citizens at mga immunocompromised individuals sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) nitong Huwebes, Nobyembre 25.

Ang aktibidad ayisinagawa sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City, na siya ring itinakdang vaccination site sa lalawigan.

“This third shot of Covid-19 vaccine will provide the optimum protection from the virus. It is essential to strengthen the efficacy of the two doses of vaccines received,” mensahe ni Duque.

Nabatid na ang COVID-19 booster campaign para sa senior citizens at mga individuals with comorbidities at immunocompromised ay sinimulan naman noon pang Lunes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“This is to enable our elderly population to have an extra vax, and for them to become fully vaccinated and protected against the virus,” ani Duque.

Nilinaw naman ni Duque na ang mga indibidwal na nakatanggap na ng dalawang bakuna ay maaaring mamili ng booster shot na nais nila, depende sa availability ng vaccine brands sa vaccination site.

Matatandaang ang mga bakuna mula sa Moderna, Gamaleya Sputnik, Pfizer at AstraZeneca ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) na magamit sa naturang third dose.

Ang mga person with comorbidities at immunocompromised individuals na eligible nang makatanggap ng booster shot ay kinabibilangan ng mga immunodeficiency state, people living with HIV, active o malignant cancer, transplant patients at patients under immunosuppressive treatments.

Ayon naman kay DOH-CALABARZON Regional Director Ariel Valencia, ang mga indibidwal na eligible para sa booster doses ay maaaring magpabakuna sa alinmang vaccination site sa pamamagitan nang pagpiprisinta ng kanilang vaccination card at valid ID.

“Kailangang din na mayroong maipakitang doctor’s clearance bago sila mabakunahan ng booster shot upang masiguro ang kanilang kalusugan,” aniya pa.

Nabatid na kabuuang tatlong milyong indibidwal ang target na mabigyan ng booster shots sa rehiyon.

Hanggang noong Nobyembre 22, 2021, ang regional office ay nakapagtala na ng 884,737 o 79% ng senior citizens (priority group A2) na fully vaccinated na ngayon, mula sa 1,117,555-target population habang kabuuang 922,318 o 56% ng persons with comorbidities ang nakatanggap na rin ng full vaccination mula sa 1,636,173-target population para sa priority group A3.

Para sa buong CALABARZON, kabuuang 70% ng eligible population o 11,452,775 individuals ang nangangailangang mabakunahan.  Mayroon nang 7,060,956 indibidwal ang nakatanggap na ng first dose at kabuuang 5,190,892 naman ang fully vaccinated na.

Mary Ann Santiago