Kapuso na rin ang isa sa mga batikang direktor ng mga teleserye ng ABS-CBN na si Direk Jerry Lopez Sineneng.

Matapos ang 26 na taong paninilbihan sa Kapamilya Network, makakasama na si Direk Jerry sa roster of directors ng GMA Network. Unang proyektong gagawin niya ang upcoming Kapuso series na 'Widow's Web'.

Excited si Direk Jerry na makatrabaho ang mga aktor, staff, at mga miyembro ng creative team sa isang kompanyang hindi niya comfort zone. Hindi umano biro ang 26 na taon niya bilang direktor sa Kapamilya Network. Halos lahat ng mga naiderehe niyang teleserye ay talaga namang nagmarka sa kasaysayan ng telebisyon.

"I am most excited with the prospect that I will be working with a group of actors, creative team, staff, and crew, whom I have never worked with before," wika ni Direk Jerry sa isang press statement.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

"I believe that life is a continuous learning process, and I am excited to interact with a different brand of talents."

Nagsimula ang TV directing ni Direk Jerry sa longest-running drama anthology ng Kapamilya Network na 'Maalaala Mo Kaya' at ang kaniyang unang teleserye ay ang 'Esperanza' ni Judy Ann Santos noong 1997.

Dahil naging hit ang Esperanza matapos ang 'Mara Clara' ni Juday, nagsunod-sunod na ang mga teleseryeng idinerehe niya gaya ng Labs Ko Si Babe (1999-2000), Basta’t Kasama Kita (2003), Hiram (2004), Maria Flordeluna (2007), Kahit Isang Saglit (2008), Dahil May Isang Ikaw (2009), Imortal (2010-2011), Walang Hanggan (2012), Huwag Ka Lang Mawawala (2013), Hawak-Kamay (2014), A Love To Last (2017), Kadenang Ginto (2018), at Love Thy Woman (2020).

Siya rin ang direktor ng teleseryeng 'La Vida Lena' na umeere pa ngayon, ngunit natapos na nila ang taping.

Bukod sa mga teleserye, nagkaroon din siya ng pagkakataon upang magdirehe ng mga pelikula sa Star Cinema, ang movie outlet ng ABS-CBN. Ito ay ang Mara Clara: The Movie (1996), Flames: The Movie (1997), Way Back Home (2011), at Maybe This Time (2014).

Hindi naman nasabi ni Direk Jerry kung ano ang nagtulak sa kaniya upang lisanin ang Kapamilya Network na naging tahanan niya sa loob ng 26 na taon.