Itinampok ni Senador Richard 'Dick' Gordon ang kaniyang mga nagawa bilang pinuno ng Philippine Red Cross, sa pamamagitan ng sikat na video sharing platform na 'TikTok'.

"Sa gitna ng pandemya, ang inyong lingkod at ang @philredcross ay nagpaabot ng iba't ibang klaseng tulong upang maibsan ang hirap na dulot ng COVID-19 sa ating mga kababayan," ayon sa caption ni Gordon sa kaniyang tweet, kalakip ang link ng kaniyang TikTok video.

Screengrab mula sa Twitter/Richard Gordon

Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng mga dagdag na molecular laboratories, saliva testing, pagkakaroon ng mga bakuna buses o mobile vaccine clinic, house-to-house vaccination, OFWs at seafarers' vaccination, food packs distribution, at pag-assist sa mga locally stranded individuals lalo na noong mahigpit pa sa pagbiyahe.

Nariyan din ang pagdaragdag ng mga isolation facilities, emergency field hospitals, hot meals on wheels, multipurpose cash grant, at convalescent plasma center.

Noong Setyembre, binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gordon hinggil sa kung saan na nga ba umano napunta ang pondo ng Red Cross, at hinamon pa niya itong bumaba na sa puwesto rito. Isa raw siyang 'double agent'. Inakusahan din niya si Gordon na ginagawang 'gatasan' ang PRC.

"That’s the problem with you: You’re a double agent. To me, under the law, you must give up either the Red Cross. Or if you want to still be a senator, then be a senator, not (chairman and CEO of the) Red Cross," aniya.

"Do not say that you and the Red Cross are separate identities. That’s bullshit," dagdag pa ni Duterte.

“You are a dual personality, which is banned or prohibited by law. You should have been sued long ago."

Sa isa pang public briefing, kinuwestyon ng pangulo ang paglalagay ni Gordon ng kaniyang mukha sa mga ambulansya.

"Sir, may itanong lang ako sa iyo. Iyong mga ambulansya mo ba, may mukha kang naka-plaster diyan?" tanong ng pangulo sa Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III.

"Wala po, sir. Hindi po natin gawain ‘yun, sir. Masama po ‘yun," tugon naman ni Duque.

"Eh bakit ‘yung kay Gordon sa Red Cross, mayroong mukha niya naka-display? Paano ‘yan?" tanong pa ng pangulo.

"Hindi ko po masagot, sir," sagot naman ni Duque.

Samantala, noong Setyembre 21 naman ay sinabon ni Gordon si Duque at iba pang mga opisyal dahil 'nagpapagamit' umano sa pangulo, sa hearing ng blue ribbon committee sa Senado.

"Marami kayong sulat sa akin na pinupuri n'yo ang Red Cross. Bakit ngayon, pumapayag kayong magpagamit ngayon dito sa ating Presidente?” aniya.

Bukod sa pagiging senador, si Gordon ang kasalukuyang Chairman at Chief Executive Officer o CEO ng Philippine Red Cross.