Pinabulaanan ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo ang isang fake news na umano’y muli na namang inuungkat para sirain ang reputasyon ng kaniyang mga anak.

Sa isang Facebook post nitong Lunes ng gabi, Nob. 22, itinama ni Robredo ang kumakalat na pekeng balita kaugnay ng umano'y pagpapalaya via police enquiry bail sa kanyang panaganay na anak na si Aika matapos maaresto sa Amerika.

Muli ring binalikan ni Robredo ang unang tangka ng kanyang “mga katunggali” na siraan ang anak sa Harvard Kennedy School.

“Noong nag aral si Aika ng Master in Public Administration sa Harvard Kennedy School, ang ginawa ng mga katunggali natin, sinulatan ang paaralan para sabihin na kailangan daw bawiin yung acceptance niya sa Program dahil ang ipapambayad niya daw ay ninakaw ko sa pamahalaan,” paglalahad ni Robredo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nakatanggap ng full-scholarship kalakip ang tirahan at living expense sa Amerika si Aika nang mag-aral sa prestihiyusong Ivy-league school.

“Napahiya sila at tinawanan lang sila. Ang hindi nila alam ay full scholar si Aika. Hindi lang tuition yung libre kundi pati yung kanyang tirahan at lahat na living expenses ang covered ng scholarship. Hindi din nila alam na competitive ang pagpasok sa kurso dahil Degree Program po ito. Nakapasok siya dahil sa sarili niyang credentials at walang kinalaman ang pagiging niyang anak namin para tanggapin siya,” ani Robredo.

Dito ay tumindig si Robredo at dinepensahan ang kanyang mga anak.

“Sorry po sainyo, pero lahat pong anak namin ay masisipag mag aral at magtrabaho. Wala po sa kanilang nasa politika at mahuhusay sila sa mga larangan na pinasok nila. Wala pong ni isa sa kanilang na involve sa kahit anong illegal na bagay,” sabi ng inang bise-presidente.

Aniya pa, “Nakakatawa man ito, kailangan i -orrect dahil maraming napapapaniwala. Ma checheck naman po ito sa records pero yung iba kasi naniniwala lang basta kahit kasinungalingan.”

Sa kanyang panayam sa Youtube star na si Mimiyuuh kamakailan, sinabi ni Robredo na papalag na ang kanyang kampo sa mga fake news. Hindi man nila papatuan ang mga nagpapakalat nito ngunit bibigyan nila ng pagkakataong maghayag ang kanilang kampo ng totoong panig ng mga isinisiwalat na kuwento.